Learning Recovery isinusulong ni Senador Sherwin Gatchalian

Ni NOEL ABUEL

Isinusulong ni Senador Win Gatchalian ang remedial program sa buong bansa upang paigtingin ang muling pagbangon ng sektor ng edukasyon kasunod ng babala ang Department of Finance (DOF) na magdudulot ng “economic scarring” o pinsala sa ekonomiya ang kawalan ng face-to-face classes.

Una nang sinabi ni Department of Finance (DOF) Sec. Carlos Dominguez na kailangang humanap ang gobyerno ng paraan upang mabawi ang mga nawalang araw na walang klase dahil sa pandemya.

Giit ng kalihim, makakaapekto ang kawalan ng face-to-face classes sa kalidad ng edukasyon at sa kakayahan ng mga kabataang magkaroon ng maayos na hanapbuhay.

Sa ilalim ng Senate Bill No. 2355, isinusulong ni Gatchalian ang mga tutorial sessions para sa mga mag-aaral na nahihirapan sa Language, Mathematics, at Science.

Layon ng panukalang Academic Recovery and Accessible Learning o ARAL na tutukan ang mga most essential learning competencies sa Language and Mathematics para sa Grades 1 hanggang 10 at Science para sa Grades 3 hanggang 10.

Layon din ng naturang panukala na tutukan ang Reading o Pagbasa upang hasain ang critical at analytical thinking skills ng mga mag-aaral.

Para naman sa mga mag-aaral sa Kindergarten, numeracy at literacy ang bibigyan ng prayoridad. Layon ng panukalang programa na tulungan ang mga mag-aaral na hindi nag-enroll noong School Year (SY) 2020-2021.

Tinataya ng National Economic and Development Authority na dahil sa mahigit isang taong walang face-to-face classes, P11 trilyong piso ang mawawala sa bansa sa susunod na 40 taon.

Batay sa naging resulta ng 2019 Trends in International Mathematics and Science Study (TIMSS), tinataya ng World Bank na ang learning poverty sa Pilipinas para sa taong 2021 ay umabot na sa 90 porsyento.

Sa halos 60 bansang nakilahok sa TIMSS, ang Pilipinas ang nakakuha ng pinakamababang marka ng mga mag-aaral sa Grade 4 sa larangan ng mathematics at science. 

Babala pa rin ng World Bank noong nakaraang taon, maaaring lumala ang learning poverty dahil sa epekto ng pandemya.

“Hindi lamang ang pag-aaral ng mga bata ang maaapektuhan sa kawalan ng face-to-face classes. Mapipinsala rin ang kanilang kakayahang magkaroon ng maayos na hanapbuhay dahil hindi sila nakatanggap ng epektibo at dekalidad na edukasyon. Kaya naman isinusulong natin ang programang ARAL upang mabigyan ng pagkakataon ang ating mga kabataang makahabol sa kanilang edukasyon,” ani Gatchalian, chairman ng Senate Committee on Basic Education, Arts, and Culture.

Leave a comment