PNP kinalampag ni Senador Bong Revilla

300K reward sa pumatay sa bgy. official

Senador Bong Revilla
Mayor Lani Mercado-Revilla

Ni NOEL ABUEL

Kinalampag ni Senador Ramon Bong Revilla, Jr. ang Philippine National Police (PNP) sa pangunguna ni Chief PNP PGen. Dionardo Carlos sa patong-patong na kaso ng election-related violence na naganap ‘di pa man nag-uumpisa ang opisyal na election period.

“Kung tutuusin, January 9 pa ang umpisa ng official election period, pero grabe na ang election violence umpisa pa last year,” ani Revilla.

“Naiintidihan nating nasa isolation si Chief PNP Carlos dahil nag-positive siya sa COVID, ngunit hindi naman dapat tumitirik ang organisasyon dahil diyan,” diin pa nito.

Samantala, inanunsiyo ni Bacoor City, Cavite Mayor Lani Mercado-Revilla na nagbigay ito ng P300,000 reward para sa sinumang makapagbibigay ng impormasyon para sa pagkakadakip sa pumaslang kay Exequiel I. Muncal, dating Ex-O ng Barangay Molino 3 sa naturang lungsod.

Si Muncal ay inambush ng mga ‘di pa nakikilalang mga suspek lulan ng mga motor at naka-uniporme pa umano ng mga motorcycle courier noong Enero 8, 2022 sa Camella Central, Molino 3.

Ipinunto pa ng senador na sa inisyal na imbestigasyon, tila may nakakaranggong pulis ang may kinalaman sa pagpaslang kay Muncal. “Mahirap na magsiwalat ng impormasyon hangga’t hindi tapos ang imbestigasyon, pero dapat ipakita ng Cavite police at ng buong pulisya na hindi nila kinukunsinti ang ganitong mga pangyayari – that they are on top of the situation at hindi nila hahayaang lumala pa ang karahasan sa paparating na halalan,” giit pa ng senador.

Leave a comment