
Ni MJ SULLIVAN
Nasabat ng mga tauhan ng Bureau of Immigration (BI) ang isang Chinese national na wanted sa kasong may kinalaman sa illegal drugs habang papatakas sakay ng isang commercial flight sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA).
Sa ulat na ipinadala ni BI intelligence chief Fortunato Manahan Jr. kay Immigration Commissioner Jaime Morente, kinilala ang nadakip na dayuhan na si Lin Guanxiu, 39-anyos, na nasabat noong Enero 5 sa Terminal 2 ng NAIA habang papasakay sa Philippine Airlines flight patungo sa Tianjin, China.
Sinabi ni Manahan na hinarang ang nasabing dayuhan matapos dumaan ito sa immigration counter kung saan nakita na may hit ito sa Interpol database.
Nang kumpirmahin sa BI-Interpol unit at sa National Central Bureau (NCB), nakita na ang naturang dayuhan ay may Interpol red notice.
Nabatid na ang nasabing Chinese national ay may outstanding arrest warrant na inilabas ni Branch 23 Judge Caesar Buenagua ng Regional Trial Court ng Trece Martires City, Cavite na may petsang Hunyo 10, 2019 nang mahuli ito noong Pebrero 3, 2019 kasama ang isang Chinese national dahil sa pagkakakumpiska sa mahigit 273 gramo ng methamphetamine hydrochloride o shabu.
Kasalukuyang nakadetine si Lin sa Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) kung saan ito pansamantalang pinigil habang hinihintay ang pagpapalabas ng commitment order mula sa korte.
“We have in our database thousands of derogatory records on persons who are wanted for various crimes here and abroad. There is no way they can escape the vigilance of BI officers and agents guarding our ports of exit,” babala pa ni Morente.
