
Ni MJ Sullivan
Naaresto ng mga tauhan ng Bureau of Immigration (BI) ang dalawang South Korean fugitives sa magkahiwalay na lugar sa Makati at Pampanga.
Kinilala ni BI Commissioner Jaime Morente ang mga nadakip na dayuhan na sina Kang Mingyu, 56-anyos, at Jung Youngmin, 51-anyos na kasalukuyang nakadetine sa BI warden facility sa Taguig City habang inihahanda ang dokumento para sa pagpapatapon sa mga ito pabalik ng Sokor.
Nabatid na unang naaresto ng mga tauhan ng fugitive search unit (FSU) ng BI si Kang sa pinagtataguan nitong condominium unit sa Makati City kung saan armado ng warrant of arrest na inilabas ng Dongbu district court sa Seoul na may petsang Hunyo 2020 dahil sa pagkakasangkot sa large-scale fraud.
Natuklasan din na nasa red notice ng Interpol si Kang matapos na tumakas ito sa Sokor patungo sa Pilipinas para takbuhan ang kasong kinakaharap nito.
“We will immediately implement the order and send him back to his country. He has also been placed in our blacklist which perpetually bans him from re-entering the Philippines,” sabi ni Morente.
Ayon sa Seoul authorities Agosto 2016 at Nobyembre 2019, nang matangay ni Kang kasama ang iba pang kasabwat nito ang nasa 700 milyon won o katumbas ng US$600,000 mula sa naging biktima ng mga ito.
Sinasabing niloko ni Kang ang mga biktima nito sa pamamagitan ang perang investment ay kikita sa pamamagitan ng kanyang import/export, gold bar trading at real estate businesses.
Samantala, nadakip din ng FSU si Jung sa kahabaan ng Andres Bonifacio Avenue sa Clark, Pampanga sa bisa ng mission order na nilagdaan ni Morente at ng Korean law enforcement agents.
Nagpalabas ng arrest warrant ang Seoul Nambu District Court sa South Korea noong Setyembre si Jung dahil sa pagtatayo ng sugalan na paglabag sa Criminal Act of Republic of Korea.
Nakatangay ito ng 28.79 billion Korean Won o katumbas ng mahigit sa 23 million USD.
Nagpasalamat naman si Morente sa gobyerno ng South Korean sa impormasyon laban sa mga nasabing mga dayuhan.
“Our strong partnership with our foreign counterparts helps us rid our country of these undesirable aliens and ensures justice is served,” aniya pa.
