
Ni NOEL ABUEL
Magandang balita para sa mga pribadong paaralan ang pagbabawas ng buwis na ipapataw sa mga ito sa gitna na rin ng matinding pinsalang dulot ng COVID-19 pandemic.
Ayon kay Senador Win Gatchalian malaki ang maitutulong ng paglagda sa batas na magpapataw ng mas mababang buwis sa mga pribadong paaralan lalo na ngayong patuloy na tumataas ang bilang ng tinatamaan ng virus dahil sa Omicron.
Nabatid na noong nakaraang Disyembre 10, 2021, nilagdaan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang Republic Act No 11635 na nag-aamiyenda sa Section 27 (B) ng National Internal Revenue Code of 1997 upang pababain ang preferential tax rate sa mga pribadong paaralan o proprietary educational institutions.
Ang dating 10 porsyentong buwis ay magiging isang porsyento na lamang sa loob ng tatlong taon.
Bagama’t nakasaad sa batas na nananatiling 10 porsyento ang buwis sa taxable income ng mga pribadong paaralan, ang isang porsyentong buwis ay nakatakdang ipataw mula Hulyo 1, 2020 hanggang Hunyo 30, 2023.
Sa ilalim ng naturang batas, ang mga proprietary educational institutions ay mga pribadong paaralan na pinatatakbo ng mga pribadong indibidwal o grupo at kinakailangang meron ding permit to operate ang naturang mga paaralan mula sa Department of Education (DepEd), Commission on Higher Education (CHED), at Technical Education and Skills Development Authority (TESDA).
Ayon kay Gatchalian, nililinaw at binibigyang diin ng bagong batas ang intensyon ng Corporate Recovery and Tax Incentives for Enterprises Act (CREATE) na magpataw ng mas mababang buwis sa mga pribadong paaralan.
Matatandaang inilabas ng Bureau of Internal Revenue (BIR) ang Revenue Regulation No. 5 kung saan nakasaad na ang mga paaralang proprietary at non-profit lamang ang maaaring mapatawan ng mas mababang buwis.
Para sa mga paaralang hindi pasok sa ganitong depinisyon, kinakailangan nilang magbayad ng 25 porsyentong buwis o katumbas ng 150 porsyentong pagtaas.
Ang mas mabigat na buwis ay kinatatakutang magresulta sa pagsasara ng mas maraming paaralan at pagkawala ng mas maraming trabaho at maaari ring mapagkaitan ang mas maraming mag-aaral ng dekalidad na edukasyon dahil dito.
Lumalabas sa datos ng DepEd na dahil sa pandemya, bumaba ng 929,000 ang enrolment sa mga pribadong paaralan, mahigit sa 634,000 mag-aaral ang lumipat sa mga pampublikong paaralan, at 452 ang nagsuspende ng operasyon o nagsara.
“Dahil sa matinding pinsalang dulot ng pandemya sa ating mga pribadong paaralan, higit nilang kinakailangan ang lahat ng uri ng suporta mula sa ating pamahalaan. Kaya naman napapanahon ang batas na magbabawas sa kanilang buwis hanggang sa taong 2023 upang tulungan silang makabangon at maipagpatuloy ang paghahatid ng dekalidad na edukasyon,” ani Gatchalian, chairman ng Senate Committee on Basic Education, Arts and Culture na isa rin sa mga co-author at co-sponsor ng batas.
Pinasalamatan din ni Gatchalian si Senador Sonny Angara, ang pangunahing may akda ng batas at si Senador Pia Cayetano na sponsor din ng naturang batas.
