Hataman sa Comelec: 200,000 botante ng North Cotabato payagang bumoto

Rep. Mujiv Hataman

Ni NOEL ABUEL

Umapela si Deputy Speaker at Basilan Rep. Mujiv Hataman sa Commission on Elections (Comelec) na payagang makaboto ang nasa 200,000 botante sa North Cotabato sa darating na national and local elections.

“Ang halalan ay karapatan ng mga mamamayan na pumili ng mga kandidatong kakatawan sa kanila at sa kanilang mga adhikain at pangangailangan. Huwag sana nating ipagkait sa mga Moro na nasa North Cotabato ang pumili ng kanilang mga lider sa lokal na pamahalaan,” panawagan ni Hataman.

Nabatid na una nang pinagbawalan ng Comelec ang 200,000 botante sa 63 Special Geographic Areas (SGA) sa North Cotabato na makaboto ng mga kandidato sa local elections at payagan lamang na bumoto sa national positions.

Ang 63 SGAs ay bahagi ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) ngunit hindi pa naisasaayos ang kanilang mga local governments sa ilalim ng Bangsamoro Organic Law.

“At hanggang hindi pa sila pormal na naitatalaga sa kanilang lokal na pamahalaan sa BARMM, marapat lamang na manaig muna ang status quo at payagan silang bumoto para sa lokal na halalan sa North Cotabato. Dahil magkakaroon tayo ng sitwasyon na wala silang kinatawan sa pamahalaan,” sabi pa ni Hataman, na dating governor ng ARMM.

“At kapag wala kang kinatawan sa pamahalaan, sino ang magsusulong ng interes mo? Sino ang lalaban para sa kapakanan mo? Sino ang titingin sa mga pangangailangan mo? Let us not disenfranchise 200,000 of our voters. Let us allow them to vote in May,” dagdag nito.

 Giit ni Hataman ang desisyon ng Comelec ay hindi lang sa voters disenfranchise kung hindi pagkait sa right to suffrage ng mga ito.

“Ang pagboto sa halalan ay isa sa mga ‘great equalizers’ para sa ating mga kababayan. Anuman ang estado mo sa buhay, lahat tayo ay pantay-pantay at iisa lang ang boto. Huwag natin itong ipagkait sa mga kababayan natin sa North Cotabato na nawalan ng karapatang bumoto sa Mayo,” apela pa ng mambabatas.

Leave a comment