May budget sa overpriced na face shields, dapat din sa libreng COVID test—Sen. Pangilinan  

Sen. Francis Pangilinan

Ni NOEL ABUEL

“Kung kayang bumili ng overpriced face shields, dapat may budget para sa free COVID testing.”

Ito ang giit ni Senador Francis “Kiko” Pangilinan kung saan dapat aniyang gawin nang libre ang COVID-19 testing dahil sa patuloy na pagdami ng bilang ng tinatamaan ng Omicron variant.

Sinabi ni Pangilinan na kung nagagawa ng pamahalaan na bumuli ng overpriced na face shields ay hindi na dapat pang maging problema kung paglalaanan ng pondo ang free COVID testing.

Tinukoy ng mambabatas ang biniling face shields ng gobyerno sa Pharmally Pharmaceutical Corporation na pawang overpriced.

“Panahon na na dapat libre ang testing. Dalawang taon na. 2022 na. Sa kabila ng pagdami ng kaso ng Covid-19 sa bansa, nakakadismaya na patuloy pa rin ang pagbibingi-bingihan ng maraming opisyal ng ating pamahalaan. Dalawang taon na tayong nasa sitwasyong ganito ngunit parang hindi pa rin tayo natututo,” giit ni Pangilinan.

“Kung mayroon ngang budget para sa overpriced face shields, ang tanong natin ay bakit parating sinasabing walang budget para sa free testing? Wala raw budget pero kung makagasta sa mga bagay na napatunayan nang hindi nakakatulong sa epektibong Covid response ay sobrang wagas pa rin,” dagdag nito.

Sa kabila aniya na nakapagtala ng 33,000 bagong kaso ng COVID-19 noong Enero 10, naniniwala si Pangilinan na malayo pa ito at posileng tumaas dahil na rin sa ilang indibiduwal ang may sintomas ng virus subalit tumatangging sumailalim sa testing dahi sa mataas na presyo nito.

“Kung tayo nga mismong mga trabahante ng gobyerno ay namamahalan sa swabbing, paano pa kaya ang iba nating kababayan? Kahit naman sinong ordinaryong mamamayan ay hindi basta-basta magpapaluwal ng minimum P3,000 para lang sa swab testing. Ang kanilang priority siyempre ay ang pangkain nila sa araw-araw,” paliwanag pa ni Pangilinan.

“Kaya mahalaga na gawing libre ang testing. Kapag libre ang testing, ma-e-engganyo ang mga tao na magpa-test. Kapag sila’y nagpa-test, mas maaagapan natin ang paglaganap ng nakamamatay na virus,” giit nito.

Leave a comment