
Ni NOEL ABUEL
Kumilos na ang Mababang Kapulungan ng Kongreso para talakayin ang pagbabayad ng PhilHealth sa mga pribadong ospital na una nang nagplano ng “PhilHealth holiday” at pagkalas sa PhilHealth.
Pinangunahan ni Quezon Rep. Angelina “Helen” Tan ang pagdinig ng House Committee on Health upang talakayin ang mga pinakabagong kaganapan tungkol sa pagbabayad ng PhilHealth sa mga ospital.
Sinabi ni Atty. Eli Dino Santos, Executive Vice President and Chief Operations Officer ng PhilHealth, nagkakahalaga P25.45 billion claims ang dapat bayaran sa mga ospital sa pamamagitan ng Debit-Credit Payment Method (DCPM), isang mekanismo upang iproseso ang pagbabayad sa mga ospital sa panahon ng State of Public Health Emergency dahil sa COVID-19 pandemic upang tiyakin ang patuloy na pagbibigay serbisyong kalusugan.
Ayon naman kay PhilHealth president Atty. Dante Gierran, kanya nang inutusan ang lahat ng regional conciliation and mediation branches ng PhilHealth upang tutukan ang araw-araw na pakikipag-ugnayan sa mga partner hospitals patungkol sa kalagayan ng kanilang mga claims o reimbursements at kagyat itong solusyunan.
Sinabi ng PhilHealth na pabibilisin ng DCPM ang pagbabayad sa mga kwalipikadong ospital sa buong bansa na nais sumailalim sa nasabing mekanismo habang pinoproseso ng PhilHealth ang pagbabayad.
Sa ngayon, tatlong ulit nang nakapagbayad ang PhilHealth sa mga ospital sa pamamagitan ng DCPM na nagkakahalaga sa kabuoang P12.06 bilyon.
Sinisi naman ni Gierran ang mabagal na pagbabayad sa mga ospital dahil sa problema ng kakulangan sa manpower at information technology (IT) sa harap ng COVID-19 pandemic.
Nilinaw naman ni Philippine Hospitals Association president Dr. Jaime Almora na ang planong pagkalas ng mga ospital sa PhilHealth dahil sa bilyun-bilyong piso na halaga ng mga hindi pa nababayaran ay nangangahulugan na hindi na pauutangin ng mga private health care providers ang PhilHealth para sa pagpapagamot ng mga Pilipino.
Ngunit kanyang tiniyak na tutulungan ng mga ospital ang mga pasyente na makapaningil sa PhilHealth para sa kanilang mga gastusin.
Samantala, tinalakay rin ang House Bill No. 7429 o ang “Social Health Insurance Crisis Act of 2020” ni Marikina Rep. Stella Luz Quimbo sa harap ng maraming reklamo laban sa PhilHealth.
Sinabi ni Quimbo na ang panukala ay nagbibigay sa Pangulo ng kapangyarihan na balasahin at ireorganisa ang alinman o lahat ng sangay ng PhilHealth upang gawin itong epektibo, mabisa, at makabago sa paglalaan ng social health insurance.
Kapag naging batas, ito ay magtatayo ng isang Joint Executive-Legislative Social Health Insurance Crisis Commission na syang magpapatupad ng lahat ng hakbang patungo sa tuluyang reorganisasyon ng PhilHealth.
