
Ni NOEL ABUEL
Nanawagan si dating House Speaker Alan Peter Cayetano sa national government na paigtingin ang COVID-19 testing at contact tracing upang makatulong na mabawasan ang kaso ng COVID-19 virus.
Kasabay nito, iginiit ni Cayetano sa pamahalaan na muling pag-aralan ang pinaiiral na COVID-19 response at ituring na nahaharap ang bansa sa araw-araw na emergency dahil sa pandemya.
“We have to act, kahit na matagal na, na it’s an emergency. For example, ‘yung testing at contact tracing, alam na nating gumagrabe ang sitwasyon, bakit ‘di natin palawakin ito nang napakabilis?” tanong nito.
“We have to change our mindset, na we’re living with this pandemic. Hindi ‘yung iniisip ng gobyerno parati, kailan ba matatapos ang pandemic?” dagdag nito.
Ikinalulungkot ni Cayetano ang kasalukuyang sitwasyon ng contact tracing program ng bansa sa pagsasabing maraming Filipino ang nagkakahawa-hawa na lamang ang magkakamag-anak.
“Sa ngayon, kanya-kanya ang contact tracing. ‘Pag nalaman nu’ng isang tao na positive, siya pa ang magtatawag sa mga kaibigan niya. Paano ‘yung iba na hindi nila alam na positive sila? Paano ‘yung iba na hindi nagte-test?” pag-uusisa pa nito.
Sa kasalukuyan, umakyat na ang COVID-19 cases sa bansa sa mahigit sa 30,000 at 70 porsiyentong ay naitala sa National Capital Region.
“We have to think na we’re living with it, pero dapat ang kilos natin, kilos emergency. Hindi yung kilos na normal o babagal-bagal,” sabi nito.
Kinalampag din nito ang Department of Labor Employment (DOLE), Department of Transportation (DOTr), Department of Social Welfare and Development (DSWD), at Department of Trade and Industry (DTI) na iparating sa publiko ang social assistance at pandemic response programs ng mga ito.
“May P80 billion tayo sa apat na department na ‘yan para sa mga nawalan ng trabaho. These four departments have P80 billion for those who lost their livelihood,” ayon pa kay Cayetano.
“Tulong-tulong tayo. Let’s not make each other the issue. Let’s make the issue about how we help each other,” ayon pa dito.
