
Naniniwala ang isang mambabatas na ang pagsasabatas ng Department of Migrant Workers (DMW) Act ay makakatulong sa epektibong pagtugon sa mga pangangailangan ng mga overseas Filipino workers (OFWs) dahil hindi na nito kinakailangang makihati sa iba’t ibang departamento.
“Sa kasalukuyan, ang sitwasyon natin, iba’t ibang departamento o ahensya ng gobyerno, may kanya-kanyang programa para sa ating mga migrant workers at OFW. Tuloy, kapag may mga problema, ang gulo-gulo, hindi mo alam sino ba talaga ang answerable, sino ba talaga ang liable, ano ba talaga ang solusyon, saan ba talagang departamento lalapit ang ating migrant workers,” sabi ni Taguig 2nd District Rep. Lani Cayetano.
“Sa pamamagitan ng sariling Department of Migrant Workers ay magkakaroon ng dedicated department para sa mga OFW concerns at hindi na tayo makikihati sa resources at atensyon sa iba’t ibang mga ahensya. Na-consolidate na siya sa iisang programa,” dagdag pa nito.
Ayon pa kay Cayetano, ang pagtatatag ng DMW ay magdudulot ng mas mabisang pagtutok sa mga serbisyong nakalaan para sa mga OFW nang sa huli ay magkaroon ang bansa ng mga eksperto sa kapakanan ng OFW.
“’Yung accountability at mga point persons, magiging malinaw na rin para sa ating lahat at hindi na magpapaikut-ikot ‘yung ating mga kababayan, magkakaroon na ng mga one-stop shop para sa mga pangangailangan ng ating mga OFW,” aniya pa.
Idinagdag pa ni Cayetano na mapapabuti ang ating ugnayan sa iba’t ibang bansa, lalo na sa mga lugar kung saan naka-deploy ang mga OFWs, ang paglikha ng DMW.
“Malaking benepisyo ito sa mga OFWs natin, sa kanilang pamilya, at sa mga Pilipino in general,” pahayag nito.
Ayon kay Cayetano, matagal nang isinusulong ng kanyang asawa, si dating House Speaker Alan Peter Cayetano, ang paglikha ng DMW noong nasa Senado pa ito at naging mas malapit din ang dating Speaker sa mga OFW at nakabuo ng mas malalim na pang-unawa sa kanilang kasalukuyang estado noong siya ay Foreign Affairs Secretary mula 2017 hanggang 2018.
“Senador pa si Alan, hinain niya na itong panukalang ito, hanggang sa naging DFA Secretary siya at lalo niyang naintindihan na kailangan magkaroon ng departamentong katulad nito, hanggang sa naging Speaker of the House siya, talagang naging principal author tayo nito sa Kongreso,” sabi ni Rep. Cayetano.
