Magtulungan tayo vs hackers ng Comelec servers — Sen. Lacson

Senador Panfilo Lacson

Ni NOEL ABUEL

Kailangan na magtulungan ang lahat para mahuli ang nasa likod ng napabalitang pagha-hack sa Commission on Elections (Comelec) upang maprotektahan ang isasagawang botohan sa darating na May 2022 elections.

Ayon kay Senador Panfilo Lacson, bagama’t hindi pa kumpirmadong napasok ng mga hackers ang mga servers ng Comelec, kailangang magkaisa ang iba’t ibang sektor upang madiskubre kung may katotohanan ang nabanggit na balita.

Sinabi pa nito na mahalagang makumpirma kung may katotohanan ang nabanggit na balita dahil ang pagboto ay napakadalang na pagkakataon upang magamit ng karamihan ang karapatan nilang pumili ng lider alinsunod na umiiral na demokrasya.

“Ang eleksyon ang pinakamalapit at pinakamalakas na representation ng demokrasya sa Pilipinas, kasi isang araw lang ‘yan na hari ang tao,” banggit ni Lacson.

Aniya hindi dapat makompromiso ang kasagraduhan ng halalan kung kaya’t dapat na sa pinamakamaagang panahon ay ilabas na ng mga nagsiwalat sa umano’y hacking sa Comelec ang kanilang mga katibayan ng sinasabing pangyayari.

Isiniwalat din ng Partido Reporma standard-bearer na inatasan na nito ang kanyang cybersecurity team na mag-antabay sa mga pangyayari kaugnay sa naturang impormasyon na ngayon ay tinututukan na rin ng Department of Informations and Communications Technology (DICT) at ng Comelec.

Kung madagdagan aniya ang detalyeng isiniwalat ng mga nagbunyag sa umano’y hacking, susunod nang mahuhugisan ang mga tao o personalidad na nasa likod nito, ang kanilang mga motibo at kung sino o sinu-sino ang makikinabang.

Partikular din na inatasan ni Lacson ang kanyang cybersecurity team na tuklasin na kung totoo nga ang hacking sa sistema ng Comelec, ay tingnan kung gaano kalala ang pinsalang tinamo ng mga sistema ng election body.

“Ayaw natin paniwalaan ‘yan pero in the realm of possibilities dapat lahat matingnan natin,” mariing banggit ni Lacson.

Sa usapin naman ng posibleng imbestigasyon ng Kamara at Senado sa naturang usapin, maaari aniya itong agad na isagawa kahit pa walang resolusyon na inihahain. “Kung kinakailangan, may joint oversight committee, anytime ‘yan, hindi kailangan ang resolution,” ani pa Lacson.

Leave a comment