Pangangailangan ng mga healthcare workers unahin – Sen. Go

Senador Christopher “Bong” Go

Ni NOEL ABUEL

Pinatitiyak ni Senador Christopher “Bong” Go sa mga kinauukulang ahensya ng pamahalaan na natutugunan ang pangangailangan ng mga healthcare workers sa gitna ng paglaban ng mga ito sa COVID-19 virus.

Ayon sa senador, dapat na bilisan ng pamahalaan ang pag-hire at deployment ng mga  medical personnel partikular ang mga critical areas kung saan marami nang mga healthcare workers ang tinamaan na rin ng virus.

“Kaya panawagan ko sa mga otoridad, bilisan ang hiring at deployment ng ating mga medical personnel, lalo na sa mga critical areas na kung saan marami sa mga healthcare workers ang tinamaan din ng COVID-19. Bilisan din ang pagproseso ng dapat matanggap nilang halaga na naaayon sa ating guidelines,” paliwanag pa ni Go.

Kasabay nito, kinalampag ng senador ang pamahalaan na madaliin na rin ang pagpoproseso sa pagpapalabas ng mandated compensation at allowances para sa mga HCWs.

“Sila ang mga sundalo sa laban na ito kaya ibigay dapat natin ang lahat ng suporta na maibibigay natin sa kanila sa lalong madaling panahon. Tugunan natin ang kanilang mga hinaing at higit sa lahat, pagaanin natin ang kanilang pinapasan sa pamamagitan ng ating disiplina at pagsunod sa health protocols,” sabi ni Go.

Aniya, ilang healthcare workers ang nagpahayag ng pag-aalala sa pinaikling panahon ng mandatory quarantine para sa HCWs na nahawaan ng COVID-19, at ang panibagong panuntunan ng health authorities ay maaaring maglagay sa HCWs sa karagdagang panganib.  

“Hinggil sa shortened quarantine period, ito naman ay base sa masusi at maingat na pag-aaral ng ating mga eksperto. Hindi naman ito automatic o mandatory sa lahat ng mga health facilities. Binibigyan lamang ng authority ang mga ospital at local health officials na gawin ito sa mga fully vaccinated healthcare workers kung meron talagang sobrang pangangailangan sa manpower,” paliwanag pa nito.

Leave a comment