
Ni NOEL ABUEL
Pinatitiyak ni Senador Christopher “Bong” Go sa pamahalaan na sapat at hindi magkukulang sa supply ng mga pangunahing gamit sa merkado kasunod ng ulat na nagkakaubusuan ng paracetamol at iba pang gamot sa ubo at sipon sa mga drug stores.
“Gawin po natin ang ating magagawa para masiguro na tuluy-tuloy ang supply ng gamot sa bansa. Dapat din pong maging accessible ang mga ito sa lahat lalo na sa mga mahihirap,” giit ni Go.
“Mahalaga pong magawa natin ito lalo na ngayon na tumataas ang bilang ng kaso ng COVID-19 cases at mas maraming mga Pilipino ang mangangailangan ng gamot,” dagdag pa nito.
Bagama’t siniguro aniya ng Department of Health (DOH) at Food and Drug Administration (DFA) gayundin ng Department of Trade and Industry (DTI) na binabantayan ang supply ng nasabing mga gamot sa mga drug stores ay kailangang mangyari ito lalo na at marami ang nangangailangan ng gamot.
“Patuloy naman ang pagmo-monitor ng mga awtoridad ng status ng supply ng mga gamot, lalu na iyong kailangan ng mga COVID-19 patients. Huwag dapat paabutin sa punto na kulang na ulit ang supply sa drugstores,” sabi pa ni Go.
Umapela rin si Go sa DOH at sa publiko na magtago, stockpiling, panic buying kung hindi naman kailangan.
“Marami ang nagkakasakit ngayon pagkatapos ng holiday season. Magmalasakit tayo sa isa’t isa at magtulungan. Pinapayuhan ang lahat na bumili lang po ng sapat sa pangangailangan upang masigurong yung iba ay hindi mauubusan,” ayon pa kay Go.
“Kung gusto natin bumalik sa normal na pamumuhay at talunin ang kalaban na hindi natin nakikita, kailangan ang disiplina at kooperasyon ng lahat. Huwag natin sayangin ang mga pinaghirapan natin nung nakaraang taon. We continue to ask for your cooperation and understanding. As we course through this difficult time, we must all stand together,” dagdag pa nito.
