Pag-amiyenda sa RA 10121 tugon sa makabagong panahon — solon

Ni NOEL ABUEL

Suportado ni Senador Christopher “Bong” Go ang pag-amiyenda sa Republic Act No. 10121 o ang Philippine Disaster Risk Reduction and Management Act of 2010 na tugon sa makabagong panahon.

“Gawin nating mas akma ang ating sistema sa mga hamon ng makabagong panahon at sa mga dagdag na pangangailangan ng mga mamamayan katulad ng agarang rescue, relief and rehabilitation,” ani Go.

“Dapat, one-step ahead tayo sa gobyerno dahil hindi natin alam kung kailan magkakaroon ulit ng mga krisis at sakuna katulad ng hinaharap natin ngayon,” dagdag pa nito.

Sa ilalim ng RA 10121, walang isinasaad dito na dapat gawin sa panahon ng state of calamity kung kaya’t naghahanap ito ng sagot upang matukoy kung ano ang aamiyendahan sa nasabing batas at mapabilis ang pagdedeklara ng state of calamity sa mga apektadong lugar.

 “Bukod sa kasalukuyang mga pagsisikap para makontrol ang pagkalat ng virus, nananatili rin akong nakatuon sa paghahanda ng bansa sa mga posibleng krisis na ating madadaanan sa hinaharap,” sabi nito.

“Suportado ko po ang panawagan ng Pangulo na i-amend ang mga probisyon ng RA 10121 upang mapabilis ang disaster response. Buhay po ang nakataya sa bawat oras na nadedelay ang pagkilos ng gobyerno pagdating ng sakuna. Hinihikayat ko rin po ang mga kasamahan ko sa Kongreso na suportahan ang hangarin nating lahat na mas maging epektibo ang pagresponde ng gobyerno sa mga kalamidad,” paliwanag ng senador.

Leave a comment