
Ni NOEL ABUEL
Sinisiguro ni Senador Panfilo Lacson na lilinisin nito ang gobyerno mula sa mga opisyal at kawani ng pamahalaan na nagsisinungaling sa kanilang sinumpaang tungkulin sa matapat at maayos na serbisyo kapag ito ang maging presidente ng bansa.
Ayon sa senador, hindi nito napigilang isiwalat ang obserbasyon na imbes na tumupad sa mga sinumpaang tungkulin ng mga kawani at opisyal ng pamahalaan, marami sa mga ito ang nangongotong o kaya naman ay tumatanggap ng suhol na kabilang sa mga uri ng pagnanakaw.
“So, isang matinding internal cleansing ang dapat gawin para malinis natin ang gobyerno. Hanggang hindi natin malinis ang gobyerno, paano natin tutugunan ang pangangailangan ng ating kababayan?” sabi ni Lacson.
Si Lacson ay tumatakbo sa 2022 national elections gamit ang mga slogan na “Aayusin ang Gobyerno” at “Uubusin ang Magnanakaw.”
“Ang burukrasya natin ay napakalawak, nasa 1.2 to 1.5 milyon tayo sa gobyerno. I don’t care if I’m left with 500,000 basta’t mga honest at talagang nagtatrabaho,” diin pa ni Lacson.
“Alam nating napakaraming tanggapan na ‘pag pumasok ka walang inaasikaso. Ang iba parang walang nakita. Sa halip na makatulong, nangungupit pa ng pera, naghihintay ng lagay. Saan ilalagay ang mamamayan natin kung hindi serbisyo publiko ang pino-provide at sa halip ay perhuwisyo pa?” dismayado pang puna ni Lacson.
Wala aniya na ibang paraan ng paglilinis ng pamahalaan kundi ang maayos na disiplina na magiging daan din upang bumalik ang tiwala at kumpiyansa ng mamamayan.
