
Ni NOEL ABUEL
Inalmahan ng isang militanteng kongresista ang Department of the Interior and Local Government (DILG) sa inilabas nitong utos na hulihin ang mga hindi bakunado na tahasang paglabag sa karapatang pantao.
Ayon kay Assistant Minority Leader at ACT Teachers Rep. France Castro, listahan ng mga benepisyo ng bakuna, vaccination sites, mass testing at contact tracing ang dapat pagtugunan ng DILG at ng mga barangay at hindi listahan ng mga unvaccinated.
“Again, the DILG is imposing a policy that is unconstitutional and violates a person’s right to privacy,” sabi nito.
Iginiit pa ni Castro na ang listahan ng mga nawalan ng trabaho at mga pamilyang nangangailangan ng ayuda ang dapat na likumin ng DILG.
“Magdadalawang taon sa ilalim ng palpak na tugon ng administrasyong Duterte sa pandemiya, dumadami lamang ang naghihirap dahil sa pag-abandona ng gobyerno sa mga pangangailangan ng kaniyang mamamayan sa gitna ng matinding krisis pang-ekonomiya at kalusugan. P10,000 ayuda kada pamilya, sapat na bakuna, mass testing at contact tracing. Lahat ng iyan kailangan ng listahan, iyon ang kunin ng DILG,” paliwanag pa ng mambabatas.
Sa halip aniyang bigyang prayoridad ng gobyerno ang mass testing, contact tracing at mas agresibong pagpapabakuna, obsesyon sa mga unvaccinated ang mas binibigyan ngayon ng pansin.
“Imbes na makatulong sa naghihingalong mamamayang Pilipino at health care system ng bansa, witch hunt sa unvaccinated ang inaatupag ng Duterte administration,” aniya pa.
