
Ni NOEL ABUEL
Pinayuhan ni dating House Speaker Alan Peter Cayetano ang pamahalaan na sa halip na magbigay ng reaksyon sa nangyayaring pagdami ng bilang ng tinatamaan ng COVID-19 partikular ng Omicron variant ay umaksyon at gumawa ng solusyon.
“Kasi parang react lang tayo nang react dito sa COVID, e kailangan unahan natin ito. Kaya nga ‘lead’ eh, pag nagli-lead ka, nandoon ka sa una, you’re showing the way,” sabi ni Cayetano sa kanyang Facebook livestream.
Sa pinakahuling datos na naitala ng Department of Health (DOH), umakyat na sa 3,092,409 ang COVID-19 cases sa bansa kung saan loob ng isang araw ay nakapagtala ng 34,021 bagong kaso noong Enero 13.
“’Yung mga malalaking pondo na nasa gobyerno na ‘yun ang good news, and I’ll be sharing some ideas how to make it easier for people to receive ‘yung ayuda, ‘yung tulong, kumbaga mga rescue funds at ‘tsaka mga Build Back Better funds,” ani Cayetano.
Samantala, tiniyak din ni Cayetano na magpapatuloy ang proyekto nitong Sampung Libong Pag-asa at Sari-saring Pag-asa sa gitna ng pagdami ng kaso ng COVID-19.
Sa kasalukuyan ay umaabot na sa kabuuang 14,159 sari-sari store owners ang nagbenepisyo sa nasabing programa.
