
Ni NOEL ABUEL
Siniguro ni Senador Sonny Angara na may sapat na pondong inilaan sa ilalim ng 2022 General Appropriations Act para sa libreng COVID 19 test at pagkuha ng serbisyo ng mga contract tracers.
Sinabi ni Angara, chairman ng Senate Committee on Finance na sa ilalim ng 2022 GAA, kabuuang P17.85 bilyon ang maaaring gamitin para sa COVID-19 Laboratory Network Commodities.
Kabilang dito ang P7.92 bilyon sa ilalim ng Department of Health at P9.92 bilyon naman sa ilalim ng unprogrammed appropriations.
Habang sa contact tracing, nilinaw ni Angara na mayroong P250 milyon sa Department of the Interior and Local Government (DILG) para sa pagkuha ng serbisyo ng mga contact tracers.
Habang P1 bilyon din ang nasa ilalim ng unprogrammed appropriations sa kahalintulad na programa.
“The Senate pushed for the allocation of bigger amounts for COVID testing—knowing fully well that we are still in a pandemic and the new, faster spreading variants continue to emerge,” sabi ni Angara.
Aniya, kung gagawin ang COVID-19 test sa mga government operated laboratories ay maaaring libre na ito.
Ipinaliwanag ng senador na isinulong nila ang mas mataas na alokasyon para sa COVID testing dahil nagpapatuloy pa rin ang pandemya at may mga variant na umuusbong.
Hindi anya malayo na ang mga tinatamaan ng virus na walang nararamdamang sintomas o nakararanas lamang ng ubo at sipon ay sila ring dahilan ng malawakang hawahan.
“Kaya mahalaga sa panahon na ito na lahat ng nagkakasakit—maging simpleng sipon man ito o ubo at lagnat ay sumailalim sa testing. Kahit walang sintomas pero may exposure sa may sakit ay mas maiging magpa test. Iniiwasan natin dito ang pagkalat ng virus at matamaan ang mga taong may comorbidities,” paliwanag pa ni Angara.
Panawagan pa nito sa DOH na madaliin ang pag-download ng pondo sa government laboratories upang mas maraming free tests ang maipagkaloob sa mga nangangailangan nito.
Kinalampag din ni Angara ang Food and Drug Administration (FDA) para aksyunan ang lahat ng pending applications para sa special certifications para sa self-administered home testing kits upang mas maraming produkto ang mapagpilian ng publiko sa mababang presyo.
“The bottom line is that the more tests we conduct, the more effective our efforts will be in preventing the spread of COVID. We reiterate our appeal for people to get vaccinated if they haven’t done so; to get their booster shots; wear your face masks; and stay at home unless it is absolutely necessary to go out,” ani Angara.
