Magpabakuna na kayo, please lang! — solon

Senador Christopher “Bong” Go

Ni NOEL ABUEL

Dahil sa patuloy na tumataas ang bilang ng araw-araw na impeksyon sa COVID-19 sa bansa, nakiusap si Senador Christopher “Bong” Go sa lahat ng Pilipino na magpabakuna at kumuha rin ng booster shot para sa karagdagang proteksyon laban sa COVID-19 at mga variant nito.

Sa datos mula sa Department of Health ay nagpakita na ang mga bagong impeksyon ay tumaas sa 37,207 noong Enero 14, ang pinakamataas na solong tally na naiulat mula nang magsimula ang pandemya. 

Nagrehistro rin ang DOH ng positivity rate na 47.3% na nangangahulugan na halos isa sa bawat dalawang indibidwal na nasuri ay nagpositibo.

“Sa mga hindi pa nababakunahan pero kuwalipikado naman, magpabakuna na kayo sa pinakamalapit na vaccination center sa inyong lugar,” payo ni Go.

“Para naman sa mga bakunado na at kuwalipikado nang kumuha ng booster, magpaturok na rin kayo. May mga pag-aaral ang mga eksperto na ang booster ay makakapagbigay ng karagdagang proteksyon laban sa mas nakakahawang Omicron variant,” dagdag nito.

Idinagdag ng senador, na ang paglitaw ng variant ng Omicron ay nagbigay-diin sa kahalagahan ng pagpapabakuna.

“Hinihikayat ko ang lahat na magpabakuna. Nasa datos naman na kung sino ang positibo at grabe ‘yung sintomas ay kadalasan sila ‘yung mga hindi pa bakunado,” paalala pa ni Go.

Aniya, natuklasan ng mga eksperto na ang pagtanggap lamang ng dalawang doses ng bakuna sa COVID-19 ay makabuluhang nakakabawas sa panganib na magkaroon ng malalang sintomas o mamatay bilang resulta ng virus. 

Sa kabila ng pagtaas ng mga impeksyon, ang rate ng case-to-hospitalization ng bansa ay kasalukuyang mas mababa kumpara sa mga nakaraang pagdami ng COVID-19 cases.

Leave a comment