
Ni NOEL ABUEL
Nanawagan si dating House Speaker Alan Peter Cayetano sa national government na simulan ang 2022 sa pamamagitan ng pagiging proactive laban sa pagharap sa COVID-19 pandemic.
“Kailangan ‘yung mindset natin, leadership. Hindi tayo pwede na habol tayo nang habol dito sa COVID-19,” ani Cayetano.
Ipinarating nito sa pamahalaan na gumamit ng science-based approach sa COVID-19 para matulungan ang bansa at hindi umaksyon sa kasalukuyang nangyayari.
Giit nito na ang laban sa COVID ay hindi kailangang itigil kahit na paparating ang 2022 national elections dahil may sapat na pondo para matulungan ang taumbayan.
“The good news is may pera. P5 trillion ang pera. Kung titignan mo ‘yung mga ayuda, kasama na dito ‘yung 4Ps, kasama na rito ‘yung sa PhilHealth. That’s around P500 billion,” aniya pa.
Suhestiyon pa ni Cayetano sa pamahalaan na ang tulong ay ipamahagi kahit walang ipinatutupad na lockdown.
“Kung kailan dadating yung damo, patay na yung kabayo. Government funds should be made more accessible to affected Filipinos and distribution mechanisms need to be simplified as many Filipinos are in dire need of assistance,” ayon pa kay Cayetano.
“Kung mag bahay-bahay tayo ngayon, tapos bibigyan natin sila ng national ID, ng QR code per person, tapos ‘yung QR code at ID na ‘yan, whether virtual or physical, nakakabit sa Paymaya o sa GCash o kung saan man, hindi na tayo magpipila o magbahay-bahay,” dagdag pa nito.
