Kamara balik-sesyon: Pagpapatupad ng mahigpit na health protocols iniutos

Ni NOEL ABUEL

Kasabay ng pagbabalik-sesyon ng Mababang Kapulungan ng Kongreso ngayong araw ng Lunes ay magpapatupad ng mahigpit na health protocols bunsod na rin ng patuloy na pagtaas na naitatalang kaso ng COVID-19 virus.

Sinabi ni House Speaker Lord Allan Velasco na ang ipatutupad na protocols ay mahalaga upang maprotektahan ang mga miyembro ng Kamara at mga empleyado nito itutuloy ang trabaho sa legislative chamber upang makagawa ng batas para mapabuti ang kalagayan ng mga Filipino.

 “This is not the time to be complacent. We needed to step up our health and safety protocols in the House so we could keep the legislative mill running even in the midst of what has been described as the worst surge in COVID-19 cases in the country,” sabi ni Velasco.

Nabatid na ang pagbabalik ng Kamara sa Lunes ay magtatagal ng tatlong linggo  bago mag-adjourn sa Pebrero 5 kasabay ng pagsisimula ng campaign period sa nationally-elected positions sa Pebrero 8.

“We only have three weeks or nine session days to finish some priority measures before we adjourn for the election period,” sabi ni Velasco.

Sinabi nito na inaasahang ipapasa sa huli at ikatlong pagbasa ang HB 10582 o ang panukalang Rural Financial Inclusion and Literacy Act, na naglalayong maiangat ang buhay ng marginalized sectors.

Gayundin ang House Bill (HB) 10579, na naglalayong i-upgrade ang field offices ng Commission on Elections (Comelec) at pag-amiyenda sa Section 53 ng Batas Pambansa 881 o ang Omnibus Election Code.

Idinagdag pa ni Velasco na ang mga komite sa Kamara ay double time na magtatrabaho upang maipasa ang Magna Carta for Barangay Health Workers at ang National Housing Development Act.

Apela pa ni Velasco sa Senado na aksyunan ang mahigit isang dosenang panukalang batas na ipinasa ng Kamara kabilang ang Internet Transactions Act at ang Government Financial Institutions Unified Initiatives to Distressed Enterprises or GUIDE Act, at ang pagbuo ng Medical Reserve Corps, Philippine Virology Institute, and Center for Disease Prevention and Control; pag-hire ng mental health professionals in basic education; pagdaragdag sa social pension ng mga indigent senior citizens; at pagpapalakas sa data privacy protection.

“We urge the Senate to expedite the deliberations and approval of these measures so we can pass them into law before the campaign period,” ani Velasco.

Leave a comment