
Ni NOEL ABUEL
Nagbabala si dating House Speaker Alan Peter Cayetano laban sa pagtataas ng Philippine Ports Authority (PPA) ng taripa sa mga pantalan sa bansa dahil ngayon aniya ang “worst time” para sa anumang pagtaas sa singil sa mga kargamentong pandagat, sa gitna ng matinding pagsirit sa mga kaso ng COVID-19 at patuloy na pagkakalugmok ng mga komunidad sa Visayas at Mindanao na tinamaan ng bagyong Odette nitong Disyembre.
“It’s the worst time para magtaas ng taripa. If you look at the US and Europe, once na nakakabawi na sila sa kanilang ekonomiya, inflation naman ang problema, sobrang pagtaas,” ani Cayetano.
“Right now, talagang maghigpit tayo ng sinturon y’ung gobyerno – pero huwag tayong magtaas ng presyo,” dagdag ng mambabatas, na nagsabing ilalaban nito ang pagpapababa ng mga taripa sa nalalabing mga araw ng kasalukuyang Kongreso.
Ang inflation rate ng bansa – ang bilis ng pagtaas ng presyo ng mga bilihin at serbisyo sa loob ng isang takdang panahon – ay pumalo sa 4.5 porsyento noong 2021, lampas sa 2 hanggang 4 porsyentong target ng Bangko Sentral ng Pilipinas.
Nangangamba ang mga eksperto na maaaring magresulta sa malawakang pagtaas sa presyo ng bilihin sa mga lalawigan sa mga pulo-pulong bahagi ng bansa ang pagpapatupad ng PPA ng Port Terminal Management Regulatory Framework, na nagbibigay ng kontrol sa mga taripang sinisingil sa mga pantalan ng bansa sa pinakamataas na bidder.
Sinabi pa ni Cayetano na mapanganib umano ito sa mga mamamayan ng mga probinsyang nakadepende sa transportasyong pandagat para sa mga batayang produkto at kalakalan.
“Ang dapat style natin ngayon, tayo ang nagpa-pump prime. Rather than kunan mo ng kunan ng pera ang tao, medyo maglabas ka muna ng maglabas,” wika ni Cayetano patungkol sa maaaring gawing programang pang-stimulus katulad ng 10K Ayuda na naglalayong mamahagi ng P10,000 sa bawat pamilyang Pilipino upang makatulong sa pagbangon ng ekonomiya.
Idinagdag pa ng dating House Speaker na lalala lamang ang inflation habang patuloy na umaalpas ang bansa mula sa pagkakalugmok ng ekonomiya nito, na bahagyang bumagal dahil sa Omicron wave ng COVID-19 na nagtutulak sa daily case rate ng Pilipinas tungo sa panibagong mga all-time-high halos araw-araw ngayong Enero.
