
NI NERIO AGUAS
Iniutos ni Bureau of Immigration (BI) Commissioner Jaime Morente ang pagbabawal sa lahat ng tauhan nito sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) na magbakasyon o lumiban sa trabaho hanggang sa huling araw ng Enero.
Sinasabing ito ay upang maging sapat ang bilang ng mga immigration personnel sa NAIA sa inaasahang pagdating ng maraming pasahero.
Ayon kay Atty. Carlos Capulong, BI port operations division (POD) chief, base sa direktiba nito ay pinalawig ng hanggang Enero 31 ang pagbabawal sa mga tauhan nito na maghain ng vacation leaves.
Magugunitang noong nakalipas na Disyembre 16 nang unang ipatupad ang ban na magtatapos sana noong Enero 15 subalit dahil sa dumarami ang bilang ng mga tauhan ng BI na tinamaan ng COVID-19 virus ay nagkukulang ang mga BI personnel.
“No application for leave during this period will be entertained or approved and all filed leaves are hereby cancelled to ensure that we have enough personnel to service the traveling public,” sabi ni Capulong.
Nabatid na sa pinakahuling datos, nasa 138 BI-POD personnel ang nagpositibo sa virus habang 129 empleyado ang kasalukuyang naka-quarantine at naghihintay ng resulta ng kanilang swab tests.
Samantala, 99 BI personnel naman ang nagnegatibo sa virus at agad na nakabalik sa kanilang trabaho.
Noong nakaraang linggo rin ay naglabas ng utos si Morente na ginawang 30% ang worksite capacity sa mga tanggapan ng BI dahil sa pagtaas ng bilang ng Covid-19 infections sa nasabing ahensya.
