COVID-19 situation at utang ng PhilHealth inusisa ng Kamara

Rep. Angelina Tan

Ni NOEL ABUEL

Sinimulan na ng House Committee on Health ang pagtalakay sa kasalukuyang sitwasyon ng COVID-19 pademic at ang pagkakautang ng PhilHealth sa mga pribadong ospital.

Pinangunahan ni Quezon Rep. Angelina “Helen” Tan, chairperson ng health panel, ang pagtalakay upang tiyakin na mabigyan ng tamang impormasyon ang publiko patungkol sa nagaganap na pagtaas ng mga kaso at kung ano ang plano ng pamahalaan ukol dito.

Ang briefing ay pinangunahan ng mga opisyal mula sa Department of Health (DOH), National Task Force Against COVID-19, at iba pang mga ahensya.

Sinabi ni Health Undersecretary at National Vaccination Operations Center chair Myrna Cabotaje na noong Enero 17, 2022, ay may kabuuang 118,944,889 doses ng COVID-19 vaccine na naibigay sa may 100.34 percent na A1 priority group o workers in the frontline health services na meron nang unang bakuna at 91.96% ng mga fully vaccinated.

Nahuhuli naman sa vaccine coverage ang EA3 group o mga buntis na meron lamang 19.49 percent na meron nang unang bakuna at 12.15 percent ng meron nang pangalawang bakuna. Habang 22.75 percent naman sa Pediatric A3 o 12 hanggang 17 taon gulang na may commorbidities  ang meron lamang unang bakuna at 15.57 percent ng fully vaccinated.

Sa kabuuan, ang coverage ng mga nabakunahan na meron ng isang pangunahing serye ay nasa 81.59 percent at 70.54 percent naman ang meron pangalawang dose.

Target ng DOH ang 100 percent ng eligible population o 111 milyon na mga Pilipino na meron nang primary vaccination series at booster o additional dose sa 2022.

Sinabi naman ni Assistant Secretary Maylene Beltran na nagkakahalaga sa P16.188 milyon na ang naibigay na health care workers (HCWs) benefits habang P7.98 milyon naman na Special Risk allowance (SRA) ang naibigay sa 496,314 HCWs.

Nasa mahigit P401 milyon din ang naibigay para sa meals, accommodation, and transportation (MAT) allowance ng may 106,115 HCWs.

Sa pinakahuling lagay naman ng COVID-19 sa bansa, inihayag ni DOH Epidemiology Bureau Director Dr. Thea de Guzman na tumataas ang mga kaso sa lahat ng rehiyon at probinsya kasama ang highly urbanized cities (HUCs) at independent component cities (ICCs).

Ang pagtaas sa NCR Plus ay mas malaki kumpara sa pagtaas noong Setyembre noong nakaraang taon na may kinalaman sa Delta variant ngunit ang hospitalization at severe at critical na mga kaso ay mas kaunti kumpara sa nakita noong Agosto hanggang Setyembre noong 2021.

Samantala, binigyang linaw ni Tan na ang mga polisiya ng PhilHealth patungkol sa benefit packages na patuloy na nakagugulo sa mga ospital at health care facilities kung saan hinimok nito ang PhilHealth na muling suriin ang pagpapatupad ng all case rates bilang paraan ng provider payment mechanism na mas makakabuti sa mga health care providers dahil mas madali itong ipatupad at mapapabilis ang pagbabayad sa mga ospital.

Leave a comment