‘No Vax, No Ride’ kinontra: Sablay naman ang bakunahan

Senador Panfilo Lacson

Ni NOEL ABUEL

Kinuwestiyon ni Senador Panfilo Lacson ang “No Vaccination, No Ride” policy ng pamahalaan gayung dapat siguruhin muna ng gobyerno na sapat ang bakuna para sa mga Filipino.

“Siguruhin muna na sapat at maayos ang sistema ng pagkuha ng bakuna at kaya itong maabot ng ordinaryong Pilipino bago ipatupad ang “No Vaccination, No Ride” policy na nagpapahirap lalo sa mga manggagawang apektado ang hanapbuhay dahil hindi pinasasakay sa pampublikong transportasyon,” sabi ni Lacson.

Ginawa ni Lacson ang pahayag kaugnay ng ipinatutupad na polisiya ng Department of Transportation (DOTr) sa Metro Manila upang malimitahan umano ang galaw ng mga hindi pa nababakunahang indibidwal.

“Kung hindi sapat even for the willing, unfair yata na hindi mo pasasakayin. Hindi pwede mag-commute pero walang enough vaccines ang gobyerno. Kasi while ang pinoprotektahan, siyempre, ‘yung karamihan dahil walang proteksyon ‘yung unvaccinated, pero just the same, paano naman ‘yung kabuhayan ng gustong magpabakuna pero wala namang makuhang bakuna o hindi ma-schedule?” sabi ni Lacson.

Aniya, maaaring hindi madali para sa lahat na makakuha ng bakuna, lalo na ang mga walang koneksyon sa internet, dahil karaniwan itong nangangailangan ng online registration.

“Ang availability, walang problema, pero accessibility. Kasi hindi lahat may capability mag-apply online,” pahayag ni Lacson sa panayam ng programang “The Chiefs” sa ONE News nitong Lunes.

Base sa umano sa mga pag-aaral, tanging 52 porsyento ng mga Pilipino ang nakakagamit ng internet, habang hindi naman bababa sa 45 porsyento ang walang konkesyon sa internet.

“So, kung walang capability ang iba para mag-apply online, problema ‘yan. Kailangan mag-provide ang gobyerno; bukod sa available, ang bakuna kailangan accessible,” giit nito.

Nasaksihan umano ni Lacson ang mahabang pila sa vaccination site kaya mahalaga umano na mapadali para sa mga Pilipino na makuha ng bakuna kung saan hindi aniya patas para sa mga manggagawang hindi kayang makakuha ng bakuna na manakawan ng kabuhayan dahil hindi pinasasakay sa mga pampublikong sasakyan.

Leave a comment