‘No-Vaxx, No-Ride’ policy pinatitigil ng senador

Senador Francis “Kiko” Pangilinan

Ni NOEL ABUEL

SA halip na ipatupad ang “no-vaccination, no-ride” policy, sinabi ni Senador Francis “Kiko” Pangilinan na dapat  gumawa ng inoculation station sa mga transportation hubs at iba pang mga lugar sa buong bansa.

Ayon sa senador, pahirap sa mga mahihirap na Filipino ang nasabing polisiya kung kaya’t dapat na itigil na ito ng pamahalaan sa lalong madaling panahon.

 “Parusa itong no-vaxx, no-ride policy sa mga mahihirap nating kababayan na gusto lang maghanapbuhay, at walang sariling sasakyan. Dagdag parusa rin sa mga naka-first dose lang kung hindi pa sila papayagang makagamit ng mass transport. Karamihan sa kanila ay kakarampot na nga ang sahod, tapos hindi pa natin sila pasasakayin sa mga dyip para makapagtrabaho? Buti nga sila bumabangon para magtrabaho,” sabi ni Pangilinan.

“Sigurado ako na kung pwede lang silang mag work-from-home ay gagawin nila, pero hindi e. Halata na ang target ng polisiyang ito ay ang ating mahihirap na kababayan,” dagdag nito.

Iginiit pa nito na kung totoong seryoso ang pamahalaan na mawala na ang virus sa bansa ay dapat na magpatupad ng araw-araw na bakunahan tulad na lamang sa mga bus terminals.  

 “Kung seryoso ang gobyerno na mawala ang Covid, dapat may bakunahan araw-araw sa mga bus terminal tulad sa PITX. Sa ibang bansa, pwede na ang walk-in vaccination kahit sa mga botika, dito sa atin depende pa sa schedule ng LGU,” ayon pa kay Pangilinan.

“Malamang hindi makapagbakuna kasi hindi pwedeng mag-absent sa trabaho at arawan lang din ang kita. Bad trip ang no vaccine-no ride policy kung hindi naman abot-kamay ang mga bakuna sa lahat,” aniya pa.

Sinabi pa nito na kahit na ikulong pang lahat ang mga di pa napabakunahan, kakalat pa rin ang Covid dahil may mga bakunado aniyang asymptomatic.

“Sabi pa sa DOH guidelines, hindi na kailangan pang i-test ang walang sintomas. As of Sunday’s data, merong mahigit 7,000 na walang lagnat, ubo, pananakit ng katawan pero na-test na may Covid,” ayon pa dito.

Leave a comment