AFP at PCG pinuri ni Senador Panfilo Lacson

Ni NOEL ABUEL

Pinuri ni Senador Panfilo Lacson ang mga sundalo ng pamahalaan na patuloy na nagsasagawa ng relief mission kahit pa hindi nakikita ng publiko para sa mga biktima ng bagyong ‘Odette’ na nag-iwan ng matinding pinsala sa ilang bahagi ng bansa noong nakaraang taon.

Partikular na pinasalamata ng mambabatas ang Armed Forces of the Philippines (AFP) at Philippine Coast Guard (PSG) dahil sa tahimik na paghahatid ng tulong sa mga lugar na sinalanta ni “Odette”.

“When the cameras and photo ops stop and the victims are in danger of being forgotten, that’s when the real heroes emerge,” aniya.

Iginiit din ni Lacson na walang anumang panahon para gamitin ang pulitika na para sa personal na interes, kabilang na ang “calamity politics,” kung saan pinakikinabangan ng ilang personalidad ang sakuna para magpapansin sa publiko.

Aniya, ngayong panahon ng pandemya na sinabayan pa ng kalamidad, mas kinakailangan ng bansa ang isang pulitiko na tunay na nagsisilbi sa bayan at hindi para sa sariling interes upang iangat ang imahe.

“During a pandemic and after a calamity, two kinds of politics emerge – the politics of service helps the victims; the politics of interest helps the politicians,” saad ni Lacson sa kanyang Twitter account bilang paalala sa mga Pilipino na apektado pa rin ng pandemya at epekto ng nagdaang bagyong Odette.

Leave a comment