American fugitive kalaboso ng BI

Si Gregory Evans Nelson, ang US fugitive habang kinakausap ang isang tauhan ng Bureau of Immigration (BI) na humuli dito sa Cagayan de Oro City.

NI NERIO AGUAS

Kalaboso ng mga tauhan ng Bureau of Immigration (BI) ang isang Amerikano na wanted sa bansa nito dahil sa patung-patong sa kasong  child pornography.

Kinilala ni BI Intelligence Division Chief Fortunato Manahan, Jr. ang naarestong dayuhan na si Gregory Evans Nelson, 68-anyos, sa pinagtataguan nito sa Bgy. Balulang, Cagayan de Oro City.

Ayon kay Manahan, isinagawa ang manhunt  operation ng mga tauhan ng Regional Intelligence Operations Unit (RIOU) 10 ng BI matapos makatanggap na impormasyon mula sa US authorities na si Nelson ay may kinakaharap na 34 na arrest warrants sa Estados Unidos dahil sa pag-iingat at pagpapakalat ng child pornography.

Sa record, si Nelson ay wala nang pinanghahawakang valid passport matapos na bawiin ng US government ang pasaporte nito kung kaya’t maituturing na illegal alien ang dayuhan.

Pinuri naman ni BI Commissioner Jaime Morente ang matagumpay na trabaho ng BI-RIOU 10.

“This is one of our priority cases, since there is information that he is aware of the warrants against him, and he may attempt to hide to evade his arrest. The presence of such criminals poses a risk to our country’s women and children, hence he should immediately be deported and banned from returning,” sabi ni Morente.

Kasalukuyang nakadetine si Nelson BI detention facility sa Davao City habang inihahanda ang pagbiyahe  nito pabalik ng Manila para ikulong sa BI Warden Facility sa Camp Bagong Diwa, Taguig.

Leave a comment