Pagpapalabas ng P1.185B para sa HCWs pinuri ng senador

Si Senador Christopher “Bong” Go habang kausap ang mga HCWs na nangakong matatanggap ang SRA ng mga ito.

NI NOEL ABUEL

Nagpasalamat si Senador Christopher “Bong” Go kay Pangulong Rodrigo Duterte sa inilabas nitong pondo para pandagdag na pambayad sa COVID-19 Special Risk Allowance ng mga healthcare workers (HCWs).

Una nang nilagdaan ni Duterte ang pagpapalabas ng P1.185 bilyon sa 2021 Contingent Fund para masakop ang SRA ng mga eligible private HCWs at non-Department of Health plantilla personnel na nagsisilbi sa mga COVID-19 patients.

“Nararapat lamang na mabigyan sila ng dagdag na kompensasyon bilang pagkilala sa kanilang sakripisyo. Kailanman ay hindi sila pababayaan ng gobyerno,” ani Go.

“Ang ating mga medical frontliners ay ang mga sundalo sa gyerang ito. Sila ang tinuturing nating bayani sa laban kontra COVID-19. Bilang Chair ng Senate Committee on Health, ipaglalaban ko ang karapatan at kapakanan nila palagi,” dagdag pa nito.

Aniya, una nang inilabas ang Department of Budget and Management (DBM) P8.189 bilyon para sa SRA benefits sakop ang 497,043 HCWs na naaayon sa Bayanihan to Recover As One Act.

“Bigyan natin ng sapat na suporta ang medical frontliners. Bawat araw ay nasa panganib ang kanilang buhay. Siguraduhin nating mabibigyan ang lahat ng qualified healthcare workers ng Special Risk Allowance at iba pang insentibo o benepisyo na naaayon sa batas,” apela ni Go.

“Kaya ako umaapela na maging flexible tayo sa pag-iimplementa ng nakasaad sa batas at kung kakayanin ng pondo ay bigyan na ang lahat ng qualified ng fixed na amount ng SRA kaysa bilangin pa natin ang kanilang pag-duty bawat araw,” sabi pa  ng senador. 

Leave a comment