
NI NERIO AGUAS
Bumagsak sa kamay ng mga tauhan ng Bureau of Immigration (BI) ang tatlong dayuhan kabilang ang isang US Marine personnel na pawang wanted fugitives mula sa kani-kanilang bansa.
Ayon kay Immigration Commissioner Jaime Morente ang mga nadakip na dayuhan ay kinabibilangan ng isang American, Taiwanese at South Korean na pawang naaresto sa magkakahiwalay na lugar sa Metro Manila at Pangasinan ng mga tauhan ng fugitive search unit (FSU).
“They will all be deported for being undesirable aliens and for posing risk to public safety and security. Afterwards, they will be placed in our blacklist and banned from re-entering the Philippines,” sabi ni Morente.
Kinilala ang mga nasabing dayuhan na sina Sie Mu Shi, 32-anyos, isang Taiwanese na nahuli sa Quezon City at wanted ng criminal investigation bureau ng national police agency sa bansa nito dahil sa pag-iingat ng mga baril.
Samantala, sa mismong tanggapan ng BI sa Intramuros, Manila nadakip ang South Korean national na si Lee Chungho, 37-anyos, na overstaying at may warrant of arrest ng Seoul district court dahil sa pagtangay sa 15.2 million o katumbas ng US$13,000 ng mga biktima nito.
Habang naaresto ng BI-FSU sa Dagupan City, Pangasinan ang American national na si Rexfordgay Sanculi Velasco, 43-anyos, na isang overstaying alien at dating US marine soldier na wanted ng US Department of the Navy dahil sa military desertion.
Sa bisa ng warrant of arrest na inilabas ng US Marine Corps absentee collection center noong May 25, 2005 at ang aplikasyon nito para sa passport renewal ay binawi ng US Department of State.
Kasalukuyang nakadatine ang tatlong dayuhan sa BI warden facility sa Camp Bagong Diwa, Taguig City habang inihahanda ang summary deportation na pinag-aaralan ng BI board of commissioners.
