DA kinastigo sa pag-import ng isda

Rep. Argel Cabatbat

Ni NOEL ABUEL

Kinastigo ng isang kongresista at tinawag na isang malaking kabalintunaan ang plano ng Department of Agriculture (DA) na mag-import ng 60,000 metro toneladang isda tulad ng galunggong at mackerel.

Ito ang giit ni  Magsasaka party list Rep. Argel Cabatbat sa plano ng DA na mag-angkat ng isda sa ibang bansa dahil sa kakapusan umano ng supply nito.

“Saan ka nakakita ng bansa na napapaligiran ng dagat na kailangang umangkat ng isda? May mali, di ba? May malaking mali,” tanong ni Cabatbat.

Una nang inilabas ng DA ang Administrative Order 01 of 2022 kung saan papayagan ang banyagang mga mangingisda na magpasok ng ‘pelagic fishes’ o huli mula sa ‘open water’.

Ito umano ay para maibsan ang napipintong kakulangan ng produkto sa unang tatlong buwan ng 2022, na papalo sa 119,000 metro tonelada.

Ayon sa DA, kikita ang gobyerno ng P30 milyon dahil bawat importer ay bibili ng isang metro tonelada sa presyong P500 at kailangan ding ibenta ang isda ng bulto — P90 kada kilo sa mga lugar na itatakda ng ahensya para mabantayan ang presyuhan.

Paliwanag ng DA, kulang ang suplay ng isda dahil sa pananalasa ng bagyong Odette noong Disyembre 2021, at kailangang umangkat upang maiwasan ang pagtaas ng presyo.

Nauna nang sinabi ng National Fisheries and Aquatic Resources Management Council na sapat ang supply ng isda.

Naniniwala si Cabatbat na walang kakulangan ng supply ng isda sa bansa.

“Alam ninyo kung ano ang may oversupply tayo? Importers. Hindi ko maintindihan kung bakit andaming opisyal na ipinipilit na umangkat tayo nang umangkat: mula isda, bigas, gulay at iba pang agricultural products, samantalang alam naman nila na pinapatay nito ang lokal na mga industriya,” giit ng kongresista.

Ayon pa sa representante ng mga magsasaka, kung P3 bilyon ang danyos ng bagyong Odette sa pangisdaan, lalong dapat pabawiin ang mga Pilipinong mangingisda.

“Lugi na nga, lalo pang mababaon dahil aalisan ng kabuhayan at ibibigay sa importers ang kita. Bigyan dapat ang mga Pilipinong mangingisda ng kagyat na ayuda. Alisin din ang fish ban. Kayang-kaya ng mga mangingisdang Pilipino na tugunan ang pangangailangan ng bansa kung bibigyan lang sila ng tama at napapanahong suporta. Hindi importation ang solusyon. Tulong ang kailangan ng mga mangingisda,” paliwanag pa ni Cabatbat.

Leave a comment