
Ni NOEL ABUEL
Hindi kumbinsido si Senador Win Gatchalian sa Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) na gumawa ng mekanismo upang mahirapan ang mga cyber criminals sa pagha-hack ng financial accounts ng mga konsyumer.
Ito ang giit ng senador kung kaya’t muling isinulong nito ang Senate Bill No. 2287 o “Financial Products and Services Consumer Protection Act.”
Nakasaad sa panukala na magbibigay kapangyarihan sa mga financial regulators na paigtingin ang pagsasagawa ng surveillance laban sa mga cybercriminals bunsod ng lumalawak na digital financial transactions.
“Ang mga hackers at manloloko ay nagiging napakasopistikado na sa kanilang mga pamamaraan at kung hindi tayo magiging maagap, magpapatuloy ang mga kasong tulad ng nangyari sa BDO noong nakaraang taon,” sabi ni Gatchalian.
Bilang tugon sa pag-usisa ng senador sa nakaraang pagdinig ng Senado kung gaano kadalas i-update ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) ang mga pamantayan o standards sa cybersecurity ng mga bangko, sinabi ng BSP na kada isang taon isinasagawa ang on-site supervision at mayroon ding mga mekanismo para sa off-site surveillance.
“Pinipilit kong intindihin ang proactive approach ng BSP pati na ang ginagawa nilang periodic audits upang masiguro na ang mga bangko ay nagpapatupad ng cyber security audits, mga polisiya at programa na makakahadlang sa pagsasagawa ng anumang uri ng cyber fraud,” sabi ni Gatchalian.
Sa ilalim ng panukalang batas ni Gatchalian, bibigyan ng karagdagang kapangyarihan ang mga financial regulators tulad ng BSP, Securities and Exchange Commission (SEC), Insurance Commission (IC), at Cooperative Development Authority (CDA) na makapagbigay hatol at maiwasan ang mga pagkakamali, paghusayin ang mekanismo sa pagtugon sa mga reklamo at paghusayin ang marketing conduct at surveillance.
Maaari rin silang magpatupad ng mga kinakailangang aksyon sa kanilang pinangangasiwaang financial service providers sakaling hindi ito tumalima sa mga probisyon ng batas at iba pang umiiral na mga batas.
“Kailangan nating tugunan kung may mga butas ang batas at palawigin ang kapasidad ng BSP at iba pang financial regulators upang mapigilan at masawata ang mga kawatan. Kailangang laging nauuna ang ating financial regulators at hindi dapat naiisahan ng cybercriminals,” diin ni Gatchalian.
Sinabi rin ng vice chairperson ng Senate Committee on Banks, Financial Institutions and Currencies na mahalagang maisabatas ang naturang panukala dahil sa kawalan ng kapangyarihan ng mga financial regulators, partikular na ang BSP at SEC, na magsagawa ng mga pagdinig at magpasya sa mga reklamo ng konsyumer.
