
NI NOEL ABUEL
Inendorso na ng Senate Committee on Local Government ang panukalang batas na layong palitan ang pangalan ng Cagayan de Oro Convention Center bilang pagpupugay kay dating Senate President Aquilino “Nene” Pimentel Jr.
Ayon kay Senate Committee on Local Government chair at Senador Francis ‘Tol’ N. Tolentino, napapanahon ang pag-endorso ng komite upang maging isang ganap ng batas ang House Bill No. 8842 bilang pagkilala sa mga ambag sa lipunan ng tubong Cagayan de Oro City na si Pimentel na siyang kinikilala bilang “Ama ng Local Government Code.”
Pangunahing akda ni House Deputy Speaker at Cagayan de Oro City Rep. Rufus Rodriguez, layon ng HB 8842 na palitan ang pangalan ng Cagayan de Oro Convention Center na matatagpuan sa Barangay Indahag at gawin itong “Aquilino Q. Pimentel Jr. International Convention Center.”
Ipinanganak sa Cagayan de Oro City noong ika-11 ng Disyembre 133, nagsilbi si Pimentel bilang senador mula 1987 hanggang 1992, at muling halal ng dalawang beses pa mula 1994 hanggang 2004 at mula 2004 hanggang ito’y magretiro sa pulitika noong 2010.
Kabilang sa mga pinamunuan nitong komite sa Senado ay ang makapangyarihang Senate Blue Ribbon Committee at ang Senate Committee on Local Government, kung saan sa ilalim ng kanyang pamumuno ay nagbigay daan upang maaprubahan at maging ganap na batas ang Republic Act No. 7160 o ang Local Government Code of 1991.
Nahalal ito at nagsilbi bilang ika-19 na Pangulo ng Senado mula Nobyembre 2000 hanggang Hunyo 2001.
Nagsilbi rin si Pimentel bilang ministro ng Interior and Local Government mula 1986 hanggang 1987 at nagsimula ang karera ni Pimentel sa pulitika noong unang mahalal bilang alkalde ng Cagayan de Oro City at kalaunan ay nahalal na assemblyman ng First Regular Batasang Pambansa mula 1984 hanggang 1986.
Suportado ng Department of the Interior and Local Government (DILG) at ng National Historical Institute ang panukalang pagsasabatas ng HB 8842.
