
Ni NOEL ABUEL
Umapela si dating House Speaker Alan Peter Cayetano sa mga kapwa nito mambabatas na ipasa na ang Bayanihan 3 at Department of Disaster Resilience (DDR) bill bago ang mag-adjourn ang Kongreso sa Pebrero 4.
Giit nito, kailangan lang ng political will ng Mababang Kapulungan ng Kongreso, Senado, at Malacañang para mapadali ang deliberasyon ang mahahalagang panukala sa kabila ng dalawang linggo na lang ang nalalabi bago mag-adjourn ang Kongreso para sa darating na 2022 general elections.
“Parang basketball din ‘yan, ‘yung last two minutes. Alam naman natin na ‘pag pinush talaga ng Speaker, ng Senate President, at lalo na ng Malacañang, maipapasa ‘yan. Kung gusto, may paraan. Kung ayaw, may dahilan. Kahit ‘yang Bayanihan 3, Department of Disaster Resilience Bill, maipapasa,” pahayag ni Cayetano.
Nabatid na ipinasa ng Kamara ang DDR bill noong Setyembre 2020 at ang P401B Bayanihan 3 bill o Bayanihan to Arise as One noong Hunyo 2021 kung saan kasalukuyan pang nasa Senado ang nasabing mga panukala.
Hindi naitago ni Cayetano ang sama ng loob nang unahin ng Kongreso ang panukalang batas hinggil sa e-cigarettes at e-sabong sa halip na unahin ang DDR bill at Bayanihan 3.
“Unfortunately, tulad ngayon, ‘yung bicam, focus nila ngayon ay ilipat ‘yung e-cigarettes o vape sa DTI mula sa FDA. Tapos balita ko, ‘yung e-sabong, gusto pang i-hearing,” aniya pa.
Apela pa nito sa Kongreso na dapat ay isinasantabi nito ang mga panukalang batas na may kinalaman sa masamang bisyo at sa halip unahin ang DDR at Bayanihan 3.
“Remember, walang kandidato ang administrasyon. So, hindi big deal sa administrasyon ang mangampanya. So, kung gusto nilang tutukan ang Congress in the next two weeks at sabihin ng Presidente, ‘Ito ang gusto ko, one, two, three, four, five,’ mabilis pa sa alas-kwatro na magagawa ‘yan,” giit nito.
Ipinarating pa ni Cayetano sa mga kapwa nito mambabatas na huwag nang hintayin ang susunod na administrasyon bago maging batas ang DDR at Bayanihan 3.
“Bakit pa tayo maghihintay ng June 2022 na SONA bago natin gawin ang plataporma natin? Itong last two minutes, I think, di man natin magagawa ang lahat, mga tatlo hanggang limang importanteng bagay, tingin ko, kaya pa,” sabi pa ni Cayetano.
