Mapang-abusong customer bilang na ang araw

Senador Win Gatchalian

Ni NOEL ABUEL

Nabibilang na ang araw ng mga abusadong customer na  mapapatunayang nanakit at nagpahiya sa mga delivery riders.

Sinabi ni Senador Win Gatchalian na nararapat ding masiguro ang kapakanan ng mga delivery riders laban sa mga mapang-abusong customer maliban pa sa proteksyon laban sa fake bookings at mapanlinlang na mga order

Tugon ito ng senador kasunod ng nag-viral na video sa internet ng isang food delivery rider na sinaktan ng customer dahil lang sa wala siyang dalang panukli.

Sa gitna ng pangyayaring ito, nagkataon namang aprubado na ng Senado sa third at final reading ang Senate Bill No. 2302 o ang panukalang “Food, Grocery, and Pharmacy Delivery Services Protection Act” na naglalayong parusahan ang mga tumatrato nang hindi tama sa mga delivery rider tulad ng panlilinlang sa pamamagitan ng paggawa ng mga pekeng order sa online o tumatangging tumanggap ng hindi pa bayad ngunit kumpirmadong order.

Nagpahayag ng pagkabahala ang mambabatas matapos kumalat ang nasabing video kung saan makikita ang pananakit ng customer sa isang delivery rider dahil wala itong dalang sapat na panukli sa kanyang P1,000 bill.

“Anumang klaseng pang-aabuso sa kapwa, nang dahil lang sa hindi pagkakaintindihan, ay hindi katanggap-tanggap. Hindi dahil customer ay palagi nang tama. Walang dahilan upang pagmalabisan ang mga delivery rider na naghahanap buhay ng marangal,” sabi ng senador.

Ayon kay Gatchalian, nakasaad sa committee report ng panukalang Internet Transactions Act ang probisyon na nagbibigay proteksyon sa mga delivery carrier.

Sa ilalim ng Section 13 (c), nakasaad dito na magiging labag sa batas para sa mga customer ang panghihiya, pagmumura, at panlalait sa mga online delivery partners at ang sinumang lalabag sa probisyong ito ay mapaparusahan ng arresto mayor o multang lampas sa P100,000.

“Sakaling maging ganap na batas na itong mga panukalang ito, mabibigyan na ng sapat na proteksyon ang mga delivery riders laban sa mga customer na mapang-abuso, mapanghamak, at nanghihiya ng wala sa lugar,” sabi pa niya.

Tiniyak din ni Gatchalian na may mga sapat na probisyon ang dalawang nasabing panukalang batas na nagtitiyak ng proteksyon sa karapatan ng mga consumers, mga taong nasa online selling, at mga delivery personnel.

Leave a comment