
Ni NOEL ABUEL
Nanawagan si Senador Christopher “Bong” Go sa kinauukulang ahensya ng pamahalan na siguruhin na matatanggap ng mga healthcare workers (HCWs) ang lahat ng benepisyo na laan sa mga ito kasunod ng pag-apruba sa ikaapat na bahagi ng COVID-19 Special Risk Allowance.
Ayon kay Go, na chairman ng Senate Health Committee, na mahalaga ang tungkuling ginagampanan ng mga health personnel bilang mga frontliners sa paglaban sa COVID-19 kung kaya’t wala dapat na aksayahing panahon ang pamahalaan para ibigay na ang SRA sa mga doktor, nurses, at qualified medical workers.
“Hinihikayat ko po ang ating gobyerno na siguraduhing lahat ng benepisyo at mga serbisyo na inilaan ng batas para sa ating healthcare workers ay maibigay sa kanila,” sabi pa ni Go.
“Sila po ang mga bayani natin ngayong pandemya dahil sa kanilang patuloy na pagseserbisyo at pagsasakripisyo para maisalba ang buhay ng ating kapwa Pilipino,” dagdag pa nito.
Magugunitang inaprubahan na ni Pangulong Rodrigo Duterte ang pagpapalabas ng P1.185B pondo laban sa 2021 Contingent Fund para sa SRA ng eligible private HCWs at non-Department of Health plantilla personnel na hindi pa nakakatanggap ng kanilang SRA mula Disyembre 20, 2020 hanggang Hunyo 30, 2021.
Inatasan na rin ng Pangulo ang DOH at Department of Budget and Management (DBM) na bilisan ang pamamahagi ng SRA sa mga healthcare workers.
Ipinagmalaki pa ni Go na matagumpay rin nitong naisulong ang P51B sa 2022 national budget para sa kompensasyon ng COVID-19 HCWs ngayong taon.
Nilinaw rin ng senador na lahat ng HCWs ay dapat na makatanggap ng SRA sa ilalim ng batas at walang dapat na piliin kung sino ang dapat na mabigyan nito.
“Lahat naman ng health workers na naka-duty ay maituturing na exposed sa banta ng COVID-19. Hindi nakikita ang kalaban na ito kung kaya’t mahirap paghiwalayin pa kung sino ang exposed at sino ang hindi,” ani Go. “Kaya ako umaapela na maging flexible tayo sa pag-iimplementa ng nakasaad sa batas at kung kakayanin ng pondo ay bigyan na ang lahat ng qualified ng fixed na amount ng SRA kaysa bilangin pa natin ang kanilang pag-duty bawat araw,” dagdag nito.
