
Ni NERIO AGUAS
Aabot sa 158 dayuhan ang naaresto ng Bureau of Immigration (BI) noong 2021 dahil sa sumu’t saring paglabag sa Philippine immigration laws.
Ayon kay BI Commissioner Jaime Morente, ang nasabing mga illegal aliens ay naaresto sa magkakahiwalay na operasyon ng mga tauhan ng BI’s intelligence division sa iba’t ibang bahagi ng bansa.
Karamihan sa mga nahuli ay mga Chinese nationals na nasa 86 na sinundan naman ng mga Koreans na nasa 37 at mga Nigerians na nasa 10 ang naaresto.
Samantala kabilang din sa naaresto ang anim na Indians, 4 Americans, 4 British nationals, 3 Japanese, 2 Indonesians, isang Dutch, isang German, isang Tunisian, isang Cambodian, isang Lebanese, at isang Singaporean.
Paliwanag ni Morente ang nasabing bilang na nadakip ay mas mababa naman kung ikukumpara sa mahigit sa 510 dayuhan na naaresto noong 2020 dahil sa ipinatupad na travel restrictions sa mga dumarating na dayuhan sa bansa.
“Since only those with valid and existing long term visas are allowed entry in the country, we saw a major decrease in the number of foreign nationals in the Philippines. Apart from that, many of those who were already in the country were repatriated back to their homelands,” paliwanag ng opisyal.
Sinabi naman ni BI Intelligence Division Chief Fortunato Manahan Jr. na naging matagumpay ng operasyon nito matapos magsanay sa kauna-unahang Intelligence summit noong Disyembre 2021 na dinaluhan ng lahat ng BI intelligence units sa buong bansa.
“The summit was an opportunity to share investigation techniques, as well as best practices to improve the manner of our operations,” sabi ni Manahan.
Maliban sa nahuling 158 na illegal aliens ng mga Intel agents, nahuli rin ng mga tauhan ng fugitive search unit ang 83 foreign fugitives.
“The pandemic has been a challenge for our operations. However, we will not stop until we have rid the country of these illegal aliens who do not respect our laws. We will find them, arrest them, and deport them,” babala pa ni Morente.
