Labor inspection muling ipagpapatuloy ng DOLE

Ni MJ SULLIVAN

Iniutos ni Labor Secretary Silvestre Bello III na ipagpatuloy ang mga labor inspection sa buong bansa upang matiyak ang pagsunod ng mga establisyimento sa mga batas-paggawa.

Una nang pansamantalang sinuspende noong Disyembre ng nakaraang taon ang labor inspection sa kani-kanilang mga rehiyon upang bigyan-daan ang ahensya na tapusin ang lahat ng mga nakabinbing kaso sa labor standards at maihanda ang inspection program para sa taong 2022.

Ayon sa Administrative Order No. 11, Series of 2022 na ipinalabas noong ika-19 ng Enero, pinahintulutan ni Bello ang mga labor inspector ng ahensya na magsagawa ng mga karaniwang inspeksyon, pagsisiyasat ng mga pamantayan sa kaligtasan at kalusugan sa paggawa, inspeksyon sa mga reklamo, at espesyal na inspeksyon sa mga establisimyento hanggang sa ika-31 ng Disyembre 2022, maliban kung mas maaga itong babawiin.

Inatasan din ni Bello ang mga regional directors ng DOLE na maglabas ng kaukulang kautusan sa kani-kanilang nasasakupan na mag-inspeksyon at mag-imbestiga sa mga partikular na establisimiyento o lugar-paggawa.

Sa ilalim ng nabanggit na administrative order, mahigit 600 labor inspectors ang binigyan ng awtoridad na magsagawa ng labor inspection sa mga establisimiyento sa buong bansa.

Samantala, 126 na mga technical safety inspector ang pinahintulutan na magsagawa ng Technical Safety Inspection ng mga boiler, pressure vessel, internal combustion engine, elevator, hoisting equipment, electrical wirings, at iba pang mga mechanical equipment installation.

Dagdag dito, ang mga technical safety inspector na mga lisensyadong mechanical at electrical engineer ay inaatasan na magsagawa ng paunang pagsusuri at pagtatasa sa mechanical at electrical plans para sa pagbibigay ng Permit to Operate ng mechanical equipment at Certificate of Electrical Inspection para sa mga electrical wiring installation.

Ang mga technical safety inspector ay mga labor inspector ng DOLE na pawang lisensyado o mga professional engineer na sumailalim sa Technical Safety Inspection Training.

Sa nasabing kautusan, pinaalalahanan din ni Bello na ang mga itinalagang Hearing Officers lamang ang magsasagawa ng mandatory conferences para sa mga inspeksyon na kinakitaan ng mga paglabag.

Kabilang sa mga awtorisado ang 485 hearing officers na inatasang magsagawa ng mga mandatory conference matapos ang panahon ng pagwawasto o “correction period” para sa mga paglabag sa pangkalahatang pamantayan sa paggawa, mga pamantayan sa kaligtasan at kalusugan sa trabaho, at mga panuntunan sa pangongontrata o sub-contracting.

Umabot sa 90,327 ang bilang ng mga establisyimento na sumasaklaw sa 3.7 milyong manggagawa sa buong bansa ang dumaan sa inspeksyon noong 2021.

Leave a comment