
Ni NOEL ABUEL
Tinitiyak ni Senador Panfilo Lacson na ipagpapatuloy nito ang pakikipag-usap sa mga miyembro ng New People’s Army (NPA) para isulong ang matagal nang hinahanap na kapayapaan sa bansa.
Ito ang sinabi ni Lacson, chairman ng Partido Reporma at standard-bearer sa presidential race sa sandaling manalo ito sa eleksyon kung saan sa huli ay isa pa ring mga Filipino ang nasabing rebeldeng grupo.
“Unang-una, tuluy-tuloy ang peace talks. Huwag natin kalimutan na kababayan natin ‘yan,” aniya.
Ngunit nilinaw ni Lacson na dapat maging “honest-to-goodness” ang implementasyon ng mga programa ng pamahalaan para mawala na ang presensya ng NPA sa lahat ng bahagi ng bansa.
Naniniwala aniya ito na sa pamamagitan ng development projects ay mawawala na ang kahirapan sa mga mahihirap at liblib na lugar upang hindi na maeenganyong sumapi sa NPA.
Paliwanag pa ni Lacson na ang National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC) ay magandang konsepto subalit palpak na implementasyon.
“Ang lugar na maraming surrenderees napagkaitan. Ito ang gusto namin i-correct,” aniya pa.
