
Ni NOEL ABUEL
Pinagtibay na ng Senado ang tatlong panukalang batas na naglalayong bigyan ng amnestiya ang mga miyembro ng rebeldeng grupo na naparusahan sa ilalim ng Revised Penal Code at special penal laws sa political beliefs.
Sa botong 18 na pabor at walang tumutol at abstention, ipinasa ng Senate Committee on on National Defense and Security, Peace, Unification, sa pangunguna ni Senador Panfilo Lacson na siyang chairman, ang House Concurrent Resolution Nos. 12, 13 at 14.
Nabatid na ang nasabing resolusyon ay naaayon sa Presidential Proclamation Nos. 1090, 1091 at 1092 na nilagdaan ni Pangulong Rodrigo Duterte noong Pebrero 5, 2021, na nagbibigay ng amnestiya sa mga miyembro ng Moro Islamic Liberation Front (MILF), Moro National Liberation Front (MNLF), at Rebolusyonaryong Partido ng Manggagawa ng Pilipinas-Revolutionary Proletarian Army-Alex Boncayao Brigade (RPMP-RPA-ABB).
Paliwanag ni Lacson, ang amnestiya ay ipagkakaloob ng pamahalaan bilang ikalawang pagkakataon sa nasa 7,600 aplikante na nais na magbagong-buhay na.
“Never in our history has our nation sought and demanded a ‘time of healing’ with much fervor and tenacity than we do today — healing from the health crisis which scarred our people; healing from the economic, social, and political distress that, by and large, spoiled our nation,” paliwanag ni Lacson sa kanyang omnibus sponsorship speech sa Committee Reports 372, 373 at 374.
Samantala, hindi naman maaaring makatanggap ng amnestiya ang mga indibiduwal na na kinasuhan sa ilalim ng Republic Act (RA) No. 9372 o mas kilalang Human Security Act of 2007, ang RA No. 11479 o ang Anti-Terrorism Act of 2020.
Sa ilalim ng presidential proclamations, hindi sakop ng amnestiya ang mga sangkot sa kidnap for ransom, massacre, rape, terrorism at iba pang krimen na isinasaad sa Revised Penal Code as amended, krimen na ginawa para sa personal, paglabag sa RA No. 9165, o mas kilalang Comprehensive Dangerous Act of 2002, grave violations ng Geneva Convention of 1949, at mga tinukoy ng United Nations na krimen tulad ng genocide, crimes against humanity, war crimes, torture, enforced disappearances at iba pang marahas na paglabag sa karapatang pantao.
Nakapaloob sa panukala ang pagbuo ng Amnesty Commission na siyang tatanggap at magpoproseso ng aplikasyon ng amnesty at siyang mag-aaral kung ang aplikante ay may karapatan sa presidential proclamations. “Indeed, amnesty is an act of compassion on the part of the government. It is a chance to mend our wounds from our constant struggle. More importantly, this is our time to heal. If viewed the same by all parties concerned, then our concurrence may be another step closer towards reconciliation, and ultimately the attainment of lasting peace,” sabi pa ni Lacson.
