
Ni NOEL ABUEL
Tinitiyak ni dating Department of Public Works and Highways (DPWH) Sec. Mark Villar na magtutuluy-tuloy ang “Build, Build, Build” (BBB) program ng pamahalaan na nakapagbigay na ng 6.5 milyong trabaho at nakapagpatayo na ng 30,000 kilometrong kalsada simula 2017.
Sa kanyang pagbisita kay Davao City Mayor Sara Duterte sa online show “Sara All For You,” sinabi ni Villar na mahalaga ang BBB program, na centerpiece program ng administrasyon ni Pangulong Rodrigo R. Duterte na naglalayong maabot ang “Golden age of infrastructure” ng Pilipinas, at kailangang mas maraming large-scale infrastructure projects ang dapat na ipagpatuloy sa buong bansa.
“Gusto ko pong i-promote at i-push ang “Build, Build, Build” program na sinimulan ni President Rodrigo Duterte dahil nakita ko po ‘yung benepisyo para sa ating lahat, hindi lang po sa roads,” sabi ni Villar, na tumatakbong kandidato sa pagkasenador.
Kabilang sa 100 flagship projects ng DPWH ang Luzon Spine Express Network, South Luzon Express Way Toll Way 4, Metro Manila Skyway Stage 3, Metro Cebu Expressway, NLEX Harbor Link Segment 10, ang Cavite Laguna Expressway, Tarlac Pangasinan La Union Expressway, ang Laguna Lake Highway, ang Candon City Bypass Road sa Ilocos Sur, Pulilan-Baliuag Diversion Road sa Bulacan, Calapan-Roxas Road sa Oriental Mindoro, ang Mandaue Causeway Road sa Cebu, Dipolog-Oriquieta Road sa Misamis Occidental, Dumaguete North Road sa Negros Oriental, at ang Taytay-El Nido Road sa Palawan, at Davao Coastal Road sa Davao City.
“Importante po na i-push natin sa legislative branch ang ‘Build, Build, Build’ program kasi ito rin po ang aangat sa ekonomiya natin. Ito rin ang makapagbibigay ng trabaho na kailangan natin ngayon dahil sa pandemya na malakas ang tama sa ating mga kababayan,” sabi pa ni Villar, na kandidato ng UniTeam.
“Gusto ko talaga na makitang may pagbabago. Nakita ko naman na napakaganda ng vision ni President Duterte para sa Pilipinas at naisip niya ‘yung ‘Build, Build, Build’ program. I really wanted to be a part of that and I really wanted to help push for it,” aniya pa.
Pinasalamatan naman ni vice presidential aspirant Sara Duterte si Villar sa malaking ambag nito para gumaan ang buhay ng taumbayan tulad na lamang sa Davao City Coastal road.
“Ang importante po talaga ay ‘yung gawa. With you, kahit wala kang sinasabi, nakikita at nafe-feel namin na meron kang infrastructure projects na nagawa. Nobody can take away from you ang Davao Coastal Road na nakikita namin dito sa Davao City,” sabi pa ni Duterte.
