Herd immunity malapit nang maabot – Sen. Go

Senador Christopher “Bong” Go

Ni NOEL ABUEL

Kumpiyansa si Senador Christopher “Bong” Go na malalagpasan na ng bansa ang epekto ng COVID-19 virus dahil sa patuloy na pagbaba ng kasong naitatala bunsod ng malawakang pagbabakuna sa buong bansa.

Ayon sa senador, malaking bagay na maraming Filipino ang nagpapabakuna na upang malapit nang maabot ang herd immunity.

Una nito, sa survey na isinagawa ng Social Weather Stations (SWS) na isinagawa mula Disyembre 12 haggang Disyembre 16, 2021, nagpapakita na mababa na ang bilang ng mga indibiduwal na ayaw magpabakuna o may pagdududa sa bakuna.

Nabatid na 8 porsiyento ng  mga  adult Filipinos ang  hindi pa rin nagpapabakuna na malayo sa 18 porsiyentong naitala noong buwan ng Setyembre ng nakalipas ng taon.

Samantala, bumaba rin ang vaccine hesitancy mula sa 21% na naitala noong Hunyo 2021 ay naging 33% noong Mayo 2021.

“Isa lang ito sa mga patunay na nasa tamang landas ang ating pandemic efforts lalo na pagdating sa pagbabakuna. Ang bakuna talaga ang tanging susi o solusyon upang unti-unti na po tayong bumalik sa ating normal na pamumuhay,” sabi ni Go.

“Patuloy naman po ang pagdating ng mga bakuna. Para po sa ating gobyerno, ituloy lang po natin ihatid ang mga bakuna sa ating kababayan lalung-lalo na sa mga mahihirap para mas marami pang Pilipino ang protektado mula sa COVID-19,” dagdag pa nito.

Paliwanag ng senador, mahalaga na mas maraming Pinoy ang tumulong sa pamahalaan para maging matagumpay ang paglaban ng bansa laban sa COVID-19.

“Sa pagdating ng mga bagong variant, tulad ng Omicron, magandang senyales na marami na sa ating mga kababayan ang nahihikayat na magpabakuna dahil mas gusto nilang maging protektado laban sa virus. Isa rin ito sa indikasyon na epektibo ang ating vaccination campaign awareness. Kaya naman nagpapasalamat ako sa lahat ng nagpabakuna dahil tinulungan niyo po ang gobyerno na malagpasan ang pandemyang kinakaharap,” giit nito.

Leave a comment