
Ni NOEL ABUEL
Inihain sa Senado ang “Revised Higher Education Act of 2022”, o Senate Bill No. 2492, sa ilalim ng Committee Report No. 509 para pagtibayin ang Commission on Higher Education (CHED) sa pamamagitan ng repormang institusyonal.
Sa kanyang sponsorship speech, sinabi ni Senador Joel Villanueva, chairman ng Senate Committee on Higher, Technical and Vocational Education, na pinapalakas ng revised charter ang komisyon para maging handa sa kinabukasan ng edukasyon, at masiguro ang pagkakaroon ng “well-prepared, well-equipped, and flexible graduates and lifelong learners.”
Mula nang itatag ito ng Kongreso noong 1994 bilang bahagi ng repormang pang-edukasyon, umunlad at nabigyan ang CHED ng karagdagang mandato at katungkulan.
Ayon kay Villanueva, kasama sa bagong CHED charter ang mga mandato na ibinigay sa Komisyon sa loob ng halos tatlong dekada.
Nililinaw ng nirebisang charter ang mga katungkulan ng Komisyon, at nagtatatag ng mga provincial office upang maghatid ng serbisyo sa iba’t ibang sulok ng bansa.
Sa ilalim ng bagong charter, gagawa ang CHED ng roadmap para sa mataas na edukasyon ng bansa, at susuriin ito kada sampung taon para masigurado ang pag-unlad ng kalidad ng mga graduate sa bansa.
Isinusulong din sa nirebisang CHED charter ang mas aktibong koordinasyon sa Department of Education (DepEd) at sa Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) para magkaroon ng kaisahan sa polisiya, plano, at programa ng kabuuang sektor ng edukasyon.
Ginagarantiya rin ng nirebisang CHED Charter ang religious freedom sa mga higher education institution para sa mga estudyante, faculty, at mga miyembro ng academic community.
