Pagbibigay ng insentibo sa pharmacist iniapela

Ni NOEL ABUEL

Isinusulong ni Senador Christopher “Bong” Go ang posibilidad na bigyan ng insentibo ang lahat ng pharmacists na tumutulong sa pagsuporta sa kampanya ng pagbabakuna sa COVID-19 sa bansa.

Sa talumpati ni Pangulong Rodrigo Duterte sa Talk to the People noong Enero 24, kinilala ni Go ang epekto ng mga volunteer vaccinators sa kanilang mga komunidad. 

Binigyan-diin nito ang pangangailangan para sa insentibo ay upang hikayatin ang higit na pagboluntaryo habang ang gobyerno ay naglalayong palawakin ang programang ‘Resbakuna sa Botika’ sa buong bansa.

“Suggestion lang po, since binibilisan na natin ‘yung ating vaccination, especially dito sa ating bakunahan sa botika. Suggestion lang po as Committee Chair, baka pwede rin pong mabigyan ng incentives itong mga pharmacists natin na (nagwo-)work double time,” sabi ni Go, chairman ng Senate Committee on Health.

“Para maengganyo pa ‘yung lahat ng mga may-ari ng even private na pharmacies natin sa pinakamalalayong lugar dito sa Pilipinas … at mas mapabilis ang ating pagbabakuna,” dagdag nito.

Ang Resbakuna sa Botika ay isang pinagsamang inisyatiba ng gobyerno at pribadong sektor na naglalayong palawakin ang programa ng pagbabakuna sa bansa at tugunan ang kakulangan sa mga bakuna.

Ang pilot implementation ay isinagawa sa mga piling botika at klinika sa Metro Manila noong Enero 20 at 21 at nakatakdang palawakin sa ibang bahagi ng bansa.

Leave a comment