Pagpasa sa seniors’ hospital bill iginiit

Rep. Bienvenido “Benny” Abante, Jr.

Ni NOEL ABUEL

Umapela ang isang kongresista sa mga kapwa nito mambabatas na ipasa na ang National Geriatric Health and Research Institute (NGHRI) para mapakinabangan ng mga senior citizens sa pagpapagamot.

Sa sponsorship speech ni Deputy Speaker at Manila Rep. Bienvenido “Benny” Abante, Jr. ipinaliwanag nito na ang NGHRI ay magbibigay sa mga lolos at lolas ng kinakailangang medical care.

Tinukoy ng kongresista ang Senior Citizens Act of 1991 at ang dalawang panukala na inamiyendahan na Expanded Senior Citizens Act of 2003 at ang Expanded Senior Citizens Act of 2010.

“Ito ay patunay na nandiyan po ang Kongreso para sa ating mga lolo at lola, kaya ako po ay may kumpiyansa na maaasahan nila tayo––na maaasahan nila ang suporta natin para sa isang ospital na tutugunan ang kalusugan at karamdaman ng ating mga senior citizens,” paliwanag ni Abante.

 Nakasaad sa House Bill 3939, na naglalayong palitan ang National Center for Geriatric Health (NCGH) sa pagiging NGHRI na tuluyang magiging fully-operational hospital.

“At present, 8.2 million of the country’s 109 million people are already aged 60 and above, with 5% of our Filipinos 65 and older. Mr. Speaker, habang lumalaki ang ating populasyon at gumadanda ang ating health care, lalo pang lalaki ang population ng mga senior citizens,” pahayag pa nito.

Idinagdag pa ni Abante na ang COVID-19 pandemic ay naging banta sa mga senior citizens dahil sa mas tinatamaan nito ay ang mga mahihina ang katawan.

Inihalimbawa pa nito ang datos ng World Health Organization (WHO) na ibinunyag na 7 sa bawat 10 namatay sa COVID-19 ay mga pasyenteng may edad 60-anyos pataas.

“Seventy per cent, Mr. Speaker. Assuming this figure is still accurate, this means that out of the 53,958 Filipinos who have lost their lives to COVID-19, as many as 37,810 were senior citizens. Ang ating mga lolo at lola. Gone too soon,” giit pa ni Abante.

“Knowing what we know about how vulnerable our senior citizens are to sickness and disease, and knowing what we know about how special treatment is often necessary to care for the health of our elderly, it is clear that our country needs a National Geriatric Health and Research Institute,” dagdag pa nito.

Leave a comment