
Ni NOEL ABUEL
Tinukoy ni Davao City Mayor Sara Duterte ang kahalagahan ng radyo sa information dissemination para sa pagpapahusay at pagpapalakas sa disaster preparedness and awareness.
“Hindi lang dapat ang pagbibigay ng impormasyon ay kung kailan na nandyan na ‘yung calamity or disaster, ngunit habang ngayon na wala pang disaster ay alam na nila kung ano ang mga kailangan gawin in the event kung meron nang disaster,” sabi ni Duterte sa kanyang online show Sara All For You.
Inihalimbawa nito ang LGU-run Davao City Disaster Radio (DCDR) na nagagamit ng lokal na pamahalaan para sa pagpapakalat ng impormasyon sa mga aktibidad, proyekto, at iba pang public service announcements.
Nagsimula ang operasyon ng Davao City Disaster Radio (DCDR) noong Pebrero 2020, kasabay ng pananalasa ng Covid 19 pandemic at sinundan ng mahigpit na implementasyon ng lockdowns.
Ayon kay Vivian Lorico, acting head ng Davao City Information Office, mahalaga ang pagkakaroon ng radio station upang mas maraming Dabawenyos ang maabot ng mga mahahalagang impormasyon.
“Nakita po ng Davao City na dapat magkaroon tayo ng isang medium of communication na makakarating kaagad sa mga Dabawenyo ang mga mahahalagang impormasyon, especially during calamities and disaster,” sabi ni Lorico sa “Sara All For You” program.
Pag-aari at pinatatakbo ng City Government of Davao, ang operasyon ng nasbaing radio station.
