

Ni NOEL ABUEL
Ipinamahagi ng pamahalaan ang nasa 62 bagong fire trucks sa Bureau of Fire Protections (BFP) bilang bahagi ng modernisasyon nito habang nalalapit ang buwan ng Marso na itinuturing na fire prevention month.
Sinaksihan ni Senador Christopher “Bong” Go ang seremonya sa pagtanggap ng BFP sa 1,000-gallon capacity fire trucks na bahagi ng binili ng pamahalaan noong 2020 na inaasahang maipapakalat sa iba’t ibang syudad at munisipalidad sa buong bansa bago matapos ang taon.
Pinasalamatan ni Go ang Duterte administration sa pagtupad nito na baguhin ang BFP bilang isang pangunahing institusyon at nakasusunod sa international standards sa fire management and mitigation.
“Modernizing the country’s Bureau of Fire Protection has always been one of our main advocacies with President Rodrigo Duterte. Just like you, it is our vision to see a better and modern fire response service that is capable of ensuring that this country will be fire-safe,” sabi ni Go.
“Full support po kami … sa mga bumbero sa ating Bureau of Fire Protection. Sa katunayan, ang mga bumbero ay kasama rin po sa ipinangako ni Pangulong Duterte na naging doble po ang sahod sa mga entry positions noong 2018,” dagdag nito.
Sinabi pa ni Go na isusulong nito ang Republic Act No. 11589 para sa implementasyon ng ten-year modernization program ng BFP.
“Manatili po tayong matatag dahil kailangan tayo ng ating mga kababayan. Tulad ng sabi ko, isa kayo sa mga itinuturing kong mga bagong bayani ng bayan. Kaya sana ay ipagpatuloy ninyo ang paglilingkod sa ating bayan at pagiging kaakibat sa mga hangarin ng gobyerno na mabigyan ng mas maayos na serbisyo ang mga Pilipino,” apela ng senador sa BFP.
