

Ni KAREN SAN MIGUEL
Seryoso ang lokal na pamahalaan ng Caloocan City na mapababa ang COVID-19 cases sa lungsod kung kaya’t lahat ng paraan ang ginagawa para mangyari ito.
Maliban sa walang humpay na vaccination at booster shots, umiikot na rin ngayon ang mga mobile anti-gen swab test ng lokal na pamahalaan na naglalayong ipasuri ang mga residenteng hinihinalang may closed contact o sintomas ng corona virus.
Ang nasabing Mobile Antigen Swab Testing ay programa nina Mayor Oca Malapitan at Congressman Along Malapitan na libreng magagamit ng mga residente ng lungsod.
Katuwang din sa nasabing progama sina Councilor Lanz Almeda, presidente ng Liga ng mga Barangay at ni Councilor Vince Hernandez na siyang pangulo naman ng Sangguniang Kabataan Federation sa lungsod.
“Ang gusto natin ay ilapit na sa tao ang antigen testing. Marami tayong kababayan ang hindi alam kung saan pupunta para magpa-swab test. Iyong iba naman ay natatakot baka magbayad ng mahal,” ani Hernandez.
Dahil dito, nagpakalat ng mobile antigen testing ang sina Hernandez at Almeda kung saan ay umiikot ito sa iba’t ibang barangay na malaking bagay para sa mga residente ng Caloocan.
Nitong nakalipas na Martes, ang mobile antigen nina Hernandez ay nasa Barangay 1, 18, 43 at 78 at ngayong darating ng araw ng Biyernes ay nasa Barangay 134, 135, 136, 137, 138 at 139, samantalang sa darating na Sabado at Linggo ay nasa Barangay 141, 151, 154, 140 at 147.
Para sa iba pang schedule, maaaring sumangguni sa FB account ng ConVINCEd Army at Konsehal Vince Hernandez FB Page.
Kasabay nito, pinasalamatan ni Hernandez ang kanilang City Health Department, gayundin ang lahat ng barangay at SK officials na matiyagang nag-aasikaso para ilapit ang serbisyo sa mga taga-Kankaloo.
“Bilib po tayo sa mga barangay at SK ofifcials natin. Lahat sila masisipag kaya kahit sina Mayor Oca at Cong Along ay proud na proud din sa kanila,” dagdag pa ni Hernandez.
Kaugnay nito, muling nanawagan si Mayor Oca sa kanyang mga kababayan na magpabakuna upang makabalik na sa normal ang sitwasyon.
