Senado pinuri sa Marawi Compensation Bill

Rep. Mujiv Hataman

Ni NOEL ABUEL

Nagpasalamat si House Deputy Speaker Mujiv Hataman sa mga senador sa suporta na maipasa sa lalong madaling panahon ang Marawi Compensation Bill.

                Ayon kay Hataman, nagpapasalamat ito kina Senador Sonny Angara, chairman ng Senate Finance Committee, at kay Senador Bato dela Rosa, chairman ng Senate Special Committee on Marawi City Rehabilitation, at kina Senador Migz Zubiri, Senador Joel Villanueva at Senador Risa Hontiveros sa pagsusulong ng panukalang ito at sa buong Senado.

“Lubos naming ikinagagalak ang desisyon ng Senado na aprubahan sa 2nd Reading ang Marawi Compensation Bill, at kami ay nagpapasalamat sa ating mga senador na bumoto para dito,” sabi ng kongresista.

“Maglilimang taon na simula noong mangyari ang Marawi Siege noong 2017, at hanggang ngayon ay marami pa rin sa ating mga kababayan doon ang hindi pa nakakauwi sa kanilang mga tahanan, hindi pa maitayo uli ang kanilang mga negosyo, at hindi pa makabangon mula sa bangungot ng digmaan,” dagdag pa nito.

Aniya, bagama’t hindi mababayaran ang sinapit ng mga residente ng Marawi ay umaasa pa rin ang mgaito na babangon pa rin mula sa pagkakalugmok.

“Alam nating hindi mababayaran ang mga sugat at pilat ng karahasang iniwan ng Marawi Siege, pero hangad natin ang agarang pagbangon ng ating mga kapatid na taga-Marawi, at malaking tulong itong Marawi Compensation Bill sa pagsasagawa nito,” sabi nito.

“Dalangin namin ay tuluy-tuloy na ito hanggang maging batas! Muli, maraming-maraming salamat sa Senado!” ayon pa kay Hataman.

Leave a comment