
Ni NOEL ABUEL
Inihain ni Senador Win Gatchalian ang isang resolusyon na nagmumungkahi na amiyendahan ng dalawang Kapulungan ng Kongreso ang 1987 Constitution para magtatag ng single ticket system sa pagpili ng Pangulo at Pangalawang Pangulo ng bansa.
Sa pag-amiyenda sa nasabing probisyon ng Konstitusyon, kakailanganin na umabot sa three-fourths ang boto ng mga sasang-ayon na miyembro ng dalawang kapulungan na hiwalay na boboto.
“Hindi lamang nito mapapalakas ang political party system, magbibigay daan din ito para pairalin ang nagkakaisa at magkakatulad na ideolohiya o platform-based na halalan na magtataguyod ng pagpapatuloy ng mga polisiya upang masigurong magiging maayos ang implementasyon nito,” sabi ni Gatchalian sa kanyang inihaing Resolution of Both Houses No. 3.
“Sa pamamagitan ng pagtatatag ng single ticket para sa Pangulo, matutuon ang pokus ng halalan mula sa mga personalidad na tumatakbo sa itinataguyod nilang mga polisiya o platform of governance,” dagdag pa niya.
Ipinapanukala ni Gatchalian ang hiwalay na pagboto ng three-fourths ng miyembro ng Senado at Mababang Kapulungan ng Kongreso para sa kanilang pagsang-ayon sa pag-amiyenda sa probisyon na nasa ilalim ng Section 4, Article VII na nagmamandato ng pagboto ng single ticket para sa Presidente at Bise Presidente.
Sa naturang probisyon, ipinanukala rin ng senador na ang bawat ticket para sa Presidente at Bise Presidente ay dapat imungkahi ng political parties bago idaos ang halalan.
Ang election returns na ipapadala sa Kongreso para sa canvassing procedure ay maglalaman din ng single ticket at ang ticket ng kandidatong Presidente at Bise Presidente na may pinakamataas na bilang ng mga boto ang dapat ihayag na nahalal.
Sa nakaraang mga karanasan ng bansa, karaniwan aniyang hindi nagkakasundo ang nahalal na Pangulo at Pangalawang Pangulo kapag magkaiba sila ng pinanggalingang partido.
